Pag-aangkat ng 440K metriko tonelada ng asukal, inaprubahan na –SRA

Pag-aangkat ng 440K metriko tonelada ng asukal, inaprubahan na –SRA

NAKAKUHA na ng go signal para sa nakatakdang pag angkat ng Pilipinas ng mahigit 400 metriko toneladang refined sugar.

Ito’y matapos na lagdaan ni Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban ang Sugar Order No. 6 na inirekomenda ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Ang hakbang na ito ay alinsunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Department of Agriculture (DA) na magtatag ng 2 buwan na buffer stock ng asukal upang maibaba ang presyo nito sa mga pamilihan at magkaroon ng sapat na suplay.

Sinabi ni Paul Azcona, board member ng SRA na gagawin nilang staggered ang pag-angkat nito.

Sa projection ng SRA, nasa P60 ang landed cost ng imported asukal at posibleng maging P80-P85 kada kilo ang retail price nito.

Posible aniya itong magbago dahil kontrolado na ng mga negosyante ang presyo nito sa oras na dumating sa bansa.

Hindi naman aniya dapat ikabahala ng mga magtutubo ang pagdating ng imported asukal.

Ipinunto nito, inaasahan kasing dumating sa bago o katapusan ng Agosto kung kayat hindi maapektuhan ang milling season.

Inaprubahan na rin ng DA ang pag-aangkat ng 64,054 metric tons ng asukal sa pamamagitan naman ng Minimum Access Volume Mechanism.

Pero, paglilinaw ni Azcona wala pa silang natatanggap na guidelines sa pag-angkat ng higit 64,000 metric tons ng asukal dahil ito ay hawak ng MAV Council.

Bakery industry, umaapela na maramdaman ang mababang presyo ng mga imported na asukal

Ang bakery industry naman ay umaapela na maramdaman ang mababang presyo ng asukal sa oras na dumating na ang inangkat na refined sugar.

Sunud-sunod na rin kasi ang pagtaas ng presyo ng mga raw product tulad ng itlog, harina, at iba pa na sangkap sa paggawa ng mga tinapay, cakes, cookies at iba pa.

Ayon kay Gerik Chua, presidente ng Filipino Chinese Bakery Association Incorporated (FCBAI) na 50% ng ingredients sa paggawa ng cake ay asukal habang 8% naman sa tinapay.

Pabor naman ang kanilang grupo sa hakbang ng gobyerno na umangkat ng asukal, pero may kaunting kahilingan lang ito sa pamahalaan.

Giit naman ni Henry Chua, dating presidente ng grupo ay dapat nang masawata ang mga smuggler na nagpapahirap sa mga konsyumer.

Aniya, dapat lamang balansehin ng gobyerno ang kanilang ginagawang hakbang lalo na sa pag-aangkat ng mga produkto.

Sa usapin naman ng SRP na itinakda ng pamahalaan sa tinapay, sinabi ng dating presidente ng FCBAI na siyang may-ari ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, handa silang tumalima rito.

Sa kabila niyan, sinabi naman ni DA Asec. Rex Estoperez na dapat palakasin ang kanilang police power sa pagpapatupad ng mga suggested retail price (SRP) sa mga agricultural product.

Follow SMNI NEWS in Twitter