NAKAHANDA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na irekomendang bigyan ng amnestiya ang mga magbabalik-loob na miyembro ng communist terrorist group (CTG) na New People’s Army (NPA).
Ito ang iginiit ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar bilang bahagi ng mandato nila para sa mapayapang pagresolba sa “local communist armed conflict.”
Sinabi ni Aguilar na isang paraan ang amnestiya para wakasan ang armadong pakikibaka, ngunit kailangan sumuko ang mga rebelde at suportahan ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para sa kapayapaan.
Una nang inihayag ni Aguilar na nakamit na ng AFP ang “strategic victory” laban sa insurhensiya.
Pero makakamit aniya ang “total victory” kung tuluyang mabubuwag ang politico-military structure ng CPP-NPA-NDF upang hindi na makapaghasik ng karahasan sa mga komunidad.
Nabatid na umaabot na lamang sa 1,800 ang NPA mula sa 24,000 noong dekada 80.
