PAGSASAYANG lamang sa pondo ng gobyerno ang pagpapamudmod ng ayuda kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno, kailangan nang itigil ang naturang financial assistance dahil nakarekober na ang bansa mula sa pandemya.
Limitado rin aniya ang pondo ng bansa.
Binigyang diin naman ni Diokno na ipagpatuloy pa rin ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi konektado sa pandemic tulad sa financial aid sa mga senior citizen.
Inamin naman ni Diokno na plano nang limitahan ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda kung saan magiging requirement na ang national ID sa mga benepisyaryo.
Paliwanag ng opisyal, malaki ang leakage pagdating sa usaping ayuda at bilang insentibo na rin sa mga Pilipinong kumuha ng national ID.