Pangulong Duterte, dismayado sa pagtapyas ng pondo ng NTF-ELCAC

Pangulong Duterte, dismayado sa pagtapyas ng pondo ng NTF-ELCAC

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtapyas ng proposed 2022 funding ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Mula sa proposed P28.12 billion, tinapyasan ng Senate Committee on Finance ang pondo ng NTF-ELCAC at magiging P4 billion na lamang ito.

“So ‘yan ang istorya ko sa komunista. Kaya itong ELCAC pinakamahusay na sana na program to date na binigay natin sa kanila, brainchild ito ni Esperon. Eh ‘yung budget nila na 28 billion? Ginawa na lang 4 billion ng mga senador,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Pangulong Duterte na pagkakalooban sana ang bawat barangay ng P20 million mula sa P28-billion budget, pero binawasan ito ng mga senador.

Nasa kabuuang 1,406 insurgency-cleared villages sa buong bansa na inaasahan sanang makabebenepisyo mula sa Barangay Development Program (BDP) sa 2022.

Makatatanggap sana ng P20 million bawat barangay para pondohan ang anti-insurgency projects.

“Iyon sana ang — is to give every barangay 20 million. Anong gawin nila diyan, bahala sila. Livelihood or they can repair the roads or whatever. Iyon ang itong purpose ng ELCAC. At marami na akong bahay all over the Philippines, I have about 2,000 houses. Talaga ginawa ko ‘yan para sa kanila kung mag-surrender. May bahay at bigyan kaagad ng trabaho or nagbibigay ako ng suweldo,” ani Duterte.

Sa kabilang banda, pinuri ni Pangulong Duterte ang NTF-ELCAC sa pagtataguyod ng kaunlaran sa insurgency-cleared areas mula sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

“I commend the joint efforts of the local government and other government and non-government agencies for pursuing programs and projects that cater to the development of the youth who are the future leaders of our nation,” ayon kay Pangulong Duterte.

Ang BDP ay isang package ng socio-economic development programs na kinabibilangan ng farm-to-market roads, livelihood, irrigation, at health stations.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang NTF-ELCAC and RTF-ELCAC sa commitment nito na pigilan ang problema sa insurhensiya sa bansa.

Umapela naman ang Punong Ehekutibo na ipagpapatuloy ng local chief executives at community leaders ang pagtulong sa administrasyon na mawakasan ang karahasan ng rebeldeng komunista.

Ang panawagan ni Pangulong Duterte ay kasabay ng muling pagpahayag nito ng kanyang galit sa mga komunista dahil sa pagpatay sa mga sundalo, pulis at mga inosenteng sibilyan.

“Ang sentimento ko diyan sa mga komunista. You know, they have been fighting government and in the process killing so many persons, and my soldiers, and my policemen, and mga barangay captains,” ayon sa Pangulo.

“Pero diyan rin ako galit sa komunista. Talagang galit ako hanggang ngayon.”

Ang CPP-NPA ay natukoy bilang isang terror organization sa mga bansang Pilipinas, Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, at ng New Zealand.

Mababatid na ang political wing ng CPP na National Democratic Front (NDF), ay pormal na idineklarang terrorist organization ng Anti-Terrorism Council dito sa bansa noong Hunyo 2021.

SMNI NEWS