NGAYONG araw o mamayang gabi ay inaasahang mag-uumpisa na ng kanilang search and rescue operations ang 82-man team ng Pilipinas sa bansang Turkiye.
Nabawasan ang grupo dahil nagkaproblema sa travel documents ang 3 personnel nito.
Bagamat sinabi naman ng Office of Civil Defense na hindi ito nakaapekto sa mga gagawing operasyon sa naturang bansa.
Sa isang panayam kay Office of the Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson, Asec. Raffy Alejandro, unang gagawin ng Philippine contingents ang assessment sa itatalagang lugar para sa kanila bago nila simulan ang search and rescue.
Nauna nang tiniyak ng pamahalaan ng Pilipinas na sapat ang mga kagamitan at suporta ng bansa sa mga rescue teams ng bansa kung kayat inaasahan ang mga ito na magiging epektibo sa kanilang misyon na makapagligtas ng buhay mula sa nasabing trahedya sa mga bansang Turkiye at Syria.
Ito’y kasunod ng pinsalang idinulot ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Turkiye at Syria noong Pebrero 6 na puminsala sa maraming ari-arian at kumitil sa humigit kumulang 20 na libong buhay.
