PNP aminado sa dumarami ang bilang ng pulis na nasasangkot sa ilegal na aktibidad

PNP aminado sa dumarami ang bilang ng pulis na nasasangkot sa ilegal na aktibidad

NITO lamang nakaraang linggo nang muling masangkot ang Philippine National Police (PNP) sa isang kontrobersiya, matapos ang umano’y pangongotong ng pitong miyembro ng Eastern Police District sa isang negosyanteng Tsino sa checkpoint sa Parañaque City. Bukod pa rito, ninakawan din umano ng grupo ang bahay ng negosyante sa Las Piñas City, at tinangay ang pera at alahas nito.

Kasunod nito, apat na pulis mula sa Police Station 14 ng Quezon City ang inaresto matapos mabunyag ang maling paghawak sa ebidensiya at hindi pagsunod sa tamang proseso sa isinagawang Oplan Galugad.

Sa parehong lungsod, isa ring pulis ang inaresto matapos akusahan ng pananakit sa isang menor de edad.

Lahat ng mga insidenteng ito ay naitala ngayong unang bahagi pa lamang ng taon. Ayon sa PNP, nasampahan na ng mga kaukulang kaso ang mga sangkot na pulis.

Sa kabila ng pag-amin ng PNP ay kumambiyo pa rin si PNP Chief Rommel Marbil, at iginiit na sariling desisyon daw ng mga pulis ang masangkot sa katiwalian. Wala raw kinalaman dito ang mismong organisasyon.

Pero ang publiko—‘di na naniniwala sa PNP at tila nauupos na ang tiwala sa mga kapulisan, partikular na sa gobyernong Marcos Jr.

Ito nga’y dahil sa mga insidente ng pamamaslang, pagnanakaw, ilegal na droga, at marami pang iba.

Bagamat hindi naman sinasabing masama ang lahat ng mga pulis—ramdam ng karamihan ang ang takot, dahil mismong ang mga tagapagpatupad ng batas ang siyang sangkot ngayon sa iba’t ibang krimen.

Ayon sa ilang residente, iba pa rin anila noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Bukod sa may takot noon ang mga pulis, bigo rin umano ang mga kriminal na makakilos.

“Lalo na dito sa probinsiya, parang hindi na kami takot lumabas sa hapon. Hindi na kami nagsasara ng pintuan kasi ‘yun na nga, nabawas na ‘yung mga droga noong panahon ni Duterte. Ngayon, parang ramdam ko na bumabalik na naman ‘yung mga masasama, dahil sa mga nakikita sa TV na mga kidnap for ransom. Pero noong kay Duterte, nahuhuli. Ngayon may nakikidnap na, may napapatay.”
“Lumalala, lumalala na ngayon. Dumadami na ‘yung mga adik, magnanakaw, nanghoholdap sa amin dito. Pero ngayon, parang marami nang magnanakaw. Maraming pinapasok na bahay,”
ayon kay Aling Judy.

Kung si Aling Judy ang tatanungin, mas gugustuhin niyang ibalik ang pamumuno ni dating Pangulong Duterte, bilang proteksiyon hindi lamang para sa kanyang pamilya at mga anak, kundi para rin sa kanilang buong komunidad at para sa kaayusan ng bansa.

“Sa akin, oo. Parang gusto ko na ring bumalik kasi, ‘yung sa sitwasyon nga, dahil sa administrasyon ngayon, marami nang nabago. Hindi katulad talaga kay Duterte,” giit nito.

Sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng katiwalian sa hanay ng kapulisan, lalong lumalaki ang hamon sa PNP na linisin ang kanilang hanay at maibalik ang tiwala ng publiko.

Sa datos na higit tatlong libong kasong kinaharap ng mga pulis mula 2024 hanggang 2025, nananatiling malaking pagsubok ang pagpapatibay ng disiplina at integridad sa hanay ng tagapagpatupad ng batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble