PNP Anti-Cyber Crime Group, tutulong sa pagtukoy sa pinagmulan ng phishing scam

PNP Anti-Cyber Crime Group, tutulong sa pagtukoy sa pinagmulan ng phishing scam

UMAAPELA na ang ilang guro at kawani ng Department of Education (DepEd) sa Land Bank of the Philippines (Landbank) hinggil sa umano’y phishing scam sa kanilang payroll accounts.

Kaugnay dito, nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na tumulong para tukuyin ang pinagmulan ng nasabing scam.

Pinakilos na ng Philippine Anti-Cyber Crime Group ang mga tauhan nito para tumulong na tukuyin ang pinagmulan ng phishing scam na nambiktima ng ilang guro.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay PNP Spokesperson Col. Atty Jean Fajardo, sinabi nitong handa silang tumugon sa mga reklamong darating sa tanggapan ng PNP-ASG.

“Hinihintay po natin na magfile ng formal complaint,” pahayag ni Fajardo.

Ayon sa impormasyon ng Teachers Dignity Coalition, umabot na sa 20 na guro at kawani ng Department of Education ang umapela sa iligal na transaksiyon sa kanilang Landbank payroll accounts kung saan nasa P160,000 hanggang P200,000 ang halaga ng mga nawalang pera.

Payo ngayon ng PNP sa mga guro na huwag basta bastang magtiwala sa mga kakilala online upang maiwasan ang mga kaparehong insidente.

Tiniyak pa ng PNP na may sapat na kakayahan ang kanilang mga tauhan para agad na matukoy at mahuli ang mga sangkot sa  lumalaganap na krimen na ito.

“Mayroon pong kapasidad na mag imbestiga lalo na sa lumalaganap na online scamming,” ani Fajardo.

Samantala, sa isa namang panayam ng DZAR Sonshine Radio kay A Teachers Partylist Nominee Coach Ryan Taclan, hinimok rin nito ang mga guro sa bansa na limitahan ang pagbibigay ng mga personal na impormasyon lalo na sa mga hindi kilalang links o sinumang humihingi nito.

Bukod naman sa PNP, sinabi na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iniimbestagahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) naturang insidente.

Paliwanag naman ng pamunuan ng LandBank na walang nangyaring hacking sa sistema nito at ang napaulat na unauthorized transactions sa ilang account holders nito ay bunsod umano ng phishing scam.

Tiniyak ng bangko na nakikipag-ugnayan na ito sa mga apektadong kliyente.

“The Lank Bank of the Philippines clarifies that it’s systems were not hacked and remain secure, following reports that alleged unauthorized transactions were experienced by two teachers who maintain payroll accounts with LandBank,” saad ng Landbank of the Philippines.

Muli rin itong nagpaalala sa publiko na maging alerto laban sa phishing scam at iba pang uri ng panloloko gamit ang internet.

Iwasan ring buksan ang anumang kaduda-dudang link at e-mail na matatanggap, at huwag i-share ang kanilang account at personal information online.

“According to the initial investigation by Landbank, the devices of the teachers were hacked via phishing which compromised their personal information,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Leave a Reply

Your email address will not be published.