PNP ground commanders, pinahihigpitan ang pagbabantay sa mga eskwelahan vs bomb threat

PNP ground commanders, pinahihigpitan ang pagbabantay sa mga eskwelahan vs bomb threat

MATAPOS makapagtala ng 2 insidente ng bomb threat ang ilang eskwelahan sa Quezon City, agad na nagbaba ng kautusan ang Philippine National Police (PNP) sa mga ground commanders nito na higpitan ang pagbabantay sa mga eskwelahan sa bansa.

Nito lamang nakaraang araw nang magdulot ng panic sa mga magulang, guro at mga estudyante ang 2 magkasunod na bomb threat sa ilang eskwelahan sa Quezon City.

Pero kalauna’y wala ring nakitang anumang uri ng pampasabog ang ilang special units ng Quezon City Police District matapos na rumesponde sa natanggap na banta.

Ayon sa PNP, seryosong usapin ito lalo na kung maglalagay ito ng panganib sa buhay ng mga inosenteng sibilyan.

Mula sa nasabing pangyayari, tiniyak pa rin ng PNP na hindi sila nagkulang sa pagbibigay paalala at mga kinakailangang seguridad ng publiko lalo na sa mga eskwelahan at matataong lugar sa bansa.

Samantala, may babala ang PNP sa mga tao na gumagamit ng prank calls partikular na sa isyu ng bomb threat.

Sa panayam ng SMNI News sa tagapagsalita ng NCRPO na si LtCol. Dexter Versola, ang sinumang lalabag aniya sa false bomb threat o bomb joke gamit ang bibig, telepono, telegraph, o anumang uri ng komunikasyon ay tiyak na mahaharap sa kaparusahan.

Sa ilalim ng Presidential Decree 1727, pagmumultahin ang lalabag dito ng 40, 000 pesos o maaring makulong ng hanggang 5 taon. ground commanders

Maaari ding ipataw ang dalawa lalo na sa mga seryosong banta na walang katotohanan o batay lamang sa pagbibiro.

Agad na hinimok ng opisyal ang publiko, mga estudyante, magulang at guro na isumbong sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang kilos upang agad itong maagapan at hindi na magdulot ng panic sa tao.

Follow SMNI NEWS in Twitter