KASUNOD ng isinagawang random drug test sa lahat ng mga opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO), commanders at mga chief of police, mahigpit na ibinilin ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang tuluy-tuloy na monitoring sa mga tauhan nito sa National Capital Region (NCR).
Isa sa mga pinababantayan ng heneral ang mga tauhan ng Mandaluyong City Police Station sa pangambang marami pa ang posibleng naimpluwensiyahan ng nasibak na hepe ng istasyon na si PCol. Cesar Gerente kaugnay sa paggamit ng ilegal na droga.
Pansamantala munang inilagay sa Regional Personnel Holding and Accounting Section (RPHAS) sa ilalim ng Regional Personnel and Records Management Division ng NCRPO si Gerente para sumailalim sa imbestigasyon at pagsampa ng kasong administratibo laban dito.
Ayon kay General Acorda, bukas ang kaniyang tanggapan sa mungkahing re-assignment sa mga tauhan ni Gerente pero mas mainam aniya na hintayin muna ang resulta ng kanilang imbestigasyon laban sa nasabing opisyal.
Babala naman ni NCRPO chief PBGen. Melencio Nartatez, Jr., may kalalagyan aniya ang sinumang pulis sa kaniyang hanay na mapatutunayan sangkot sa paggamit ng ilegal na droga.
Kasabay nito ay siniguro ng NCRPO ang kanilang tuluy-tuloy na random drug test sa mga tauhan nito para agad na matukoy ang mga pasaway na pulis na nagdudulot ng kahihiyan sa imahe ng PNP.