MULA sa 19.7 porsiyento, nakikita ni Dr. Guido David ng OCTA na maaari pang pumalo sa 25 porsiyento ang positivity rate ng National Capital Region (NCR).
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 867 na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Ito na ang pangatlong araw na nakapagtala ng mahigit 800 na bagong kaso ng COVID-19 ang DOH.
Sa nakalipas na 2 linggo, ang NCR ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 na nasa halos 4,000.
Sinundan ito ng Calabarzon na nakapagtala ng halos 2 libong kaso.
Habang pangatlo naman ang Central Luzon na nakapagtala ng mahigit 500 na kaso ng COVID-19.
Samantala pagdating sa positivity rate, tumaas sa 19.7 porsiyento mula 18.8 porsiyento ang positivity rate ng Metro Manila as of May 2 ayon sa OCTA Research Group.
Sa isang Tweet sinabi ni Dr. Guido David na maari pa itong umabot sa 25 porsiyento.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento na nagpositibo sa COVID-19 mula sa mga indibidwal na sinuri sa COVID-19.
Sa projection naman ni David, makakapagtala ng mahigit 1,000 kaso ng COVID-19 ang bansa ngayong araw ng Huwebes, May 4.