MALALIM ang problema sa suplay ng bigas sa bansa, ang hayagang sinabi ng dating Senate President at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa kaniyang programa sa SMNI News.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng price ceiling o price cap sa presyo ng bigas sa mga pamilihan simula Martes, Setyembre 5.
Kung saan itinakda sa P41 ang kada kilo ng regular-milled rice habang P45 naman ang kada kilo ng well-milled rice.
Giit ni Enrile, ito ay dahil sa hawak ng mga sindikato ang suplay ng bigas sa pamamagitan ng hoarding, smuggling, overpricing at iba pa.
Bukod pa dito, ang naturang mga sindikato at kartel ay may mga koneksiyon pa mismo sa loob ng pamahalaan.
Ito ay dahil malaking pera aniya ang bigas na araw-araw na pangunahing pangangailangan ng mahigit sa 120 milyong Pilipino.
Kaugnay naman sa pahayag ni Senator Risa Hontiveros na isang trabahong tamad ang price control na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. dahil dapat aniyang hulihin at kasuhan ang mga hoarder, ipinunto ni Enrile na ang presyo ng bigas kung walang value sa mga mayayaman ay mahalaga para sa mga ordinaryong Pilipino.
Kaugnay rito, sinabi ng dating Senate President na pinag-aaralan ngayon ng gobyerno ang pagpapataas sa kalidad ng mga produkto para mapataas ang value na siyang sagot sa problema sa ekonomiya ng bansa.
Sa kinakaharap naman na problema ng pagbaha sa mga palayan sa Central Luzon na labis na nakaaapekto sa mga magsasaka, pinitik din ni Enrile ang mga nag-apruba sa reclamation projects sa Manila Bay.