ILULUNSAD ang programang tutugon sa problema sa kagutuman ng mga mahihirap na estudyante ayon kay Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon.
Tinatarget ngayon na ilunsad ni PAPA Sec. Gadon ang programang Batang Busog Malusog (BBM) na isang Nutrition at Feeding program.
Sa Pandesal Forum, umaga ng Martes, sinabi ni PAPA Sec. Gadon na layunin ng programa na matugunan ang problema sa kagutuman ng mga estudyante sa ilang piling eskuwelahan na sinasabi na kabilang sa “depressed” areas.
Plano ng kaniyang taggapan na hikayatin ang mga malalaking kompanya o foundation ng mga pribadong sektor na sumali sa programa.
Ang BBM program ay magbibigay ng libreng almusal sa mga bata sa mga pampublikong paaralan na nasa mahihirap na komunidad.
Punto pa ni Gadon, alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na unahin ang poverty alleviation upang kahit papaano ay mabawasan ng kalahati ang kahirapan sa bansa.
Giit pa nito, malaking bagay ang pagtutulungan ng mga nasa multi-sectoral upang mapataas pa ang antas sa agrikultura, manufacturing, exports at mga micro industry.
Binigyang-linaw ni Sec. Gadon, walang hawak o ilalabas na pera ang gobyerno para sa nasabing programa.
Inaasahan na sa susunod na linggo ay ilalabas ng PAPA ang listahan ng mga mapipiling eskuwelahan gayundin ang mga partner private sector.
Target itong simulan sa ikalawang linggo ng pagbubukas ng Academic School Year 2024-2025.
Dagdag na pondo para sa “Barangay Development Program”, dapat taasan na tutugon sa kahirapan na pangunahing dahilan ng insurhensiya—Sec. Gadon
Sa usapin naman ng Barangay Development Program at National Task Force to End Local Communist Terrorist (NTF-ELCAC), binigyang-diin ni Sec. Gadon na napaka-importante na madagdagan pa ang pondo para dito.
Malaki aniya ang maitutulong nito upang maganda at mapalawak pa ang ang programa sa ilalim ng BDP para matugunan ang problema ng kahirapan, na isa sa mga pangunahing dahilan ng insurhensiya.
Aniya, sa pamamagitan ng programa ng NTF-ELCAC ay naging epektibo ito sa pag-stabilisa ng peace and order situation sa mga napabayaang barangay, at pagbibigay ng “economic opportunities” sa mararalita.
Dahil na rin sa pagtugon ng pamahalaan ay marami-rami nang mga rebelde ang nagbalik-loob sa gobyerno.
Makakaasa aniya ang NTF-ELCAC at DILG na buo ang suporta ng PAPA sa mga programang ito upang mapaangat ang buhay ng mga Pilipino partikular na sa mga lugar na vulnerable pagdating sa recruitment ng NPA.
