HINIMOK ng ilang mga mambabatas ang publiko na huwag mag away-away dahil lamang sa pulitika.
Panawagan nila, igalang na lamang ang pananaw ng bawat isa.
Kaya ngayong malapit na naman ang eleksyon, may payo ngayon ang ilang mambabatas sa publiko.
Lalo na’t mauuso na naman ang mga awayan dahil sa pulitika.
Kung minsan kahit mag-kakapamilya pa mismo ang nag-aawayan.
“Dito sa pulitika pagka medyo nandiyan na, mainit na lalo’t higit sa pamilya ninyo iwasan nalang ho, respetuhan nalang. Let’s respect the opinion of others, the belief of others,”ayon kay Rep. Mike Defensor.
Payo din nito na iwasan ang mga masasakit na salita na siyang puno’t dulo ng away.
“Kasi yung iba no masakit magsalita eh, yun po iwasan natin. Hindi mo alam ang salita mo, ganito yan ganito yan diyan nagsisimula yung away. Pero kung pagka ganyan ho iwasan nalang at never never say anything bad sa inyong kaibigan at kapamilya dahil alam nyo naman ang eleksyon isang-araw lamang ho yan. Pagkatapos niyan ay isang bangka na naman tayo, isang bansa at isang sambayanang Pilipino,”dagdag nito.
Para naman kay Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez, dapat gawing basehan sa pagpili ang mga nagawa ng isang kandidato.
“So kahit anong libak, bakak at rakrak na gawin nila the facts will not lie kasi makikita yung accomplishments mo eh sa loob ng ilang taong nakapagbigay ka ng serbisyo at sinasabi ko parati, yan nalang ang sukatan nyo,”ayon kay Rep. Lucy Torres- Gomez.

