MALAKI ang tiwala ni San Juan City Mayor Francis Zamora na magagampanan pa nila nang maayos ang kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga sa lungsod.
Ito’y matapos na mapili ang kanilang lugar para ilunsad ang memorandum of understanding at eReport and iReport program katuwang ang Philippine National Police (PNP).
Aniya, tiyak na lalo pa nilang mapaghuhusay ang kanilang anti criminality program sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Nauna nang ipinagmalaki ng alkalde ang zero incident sa ilegal na droga sa buong Metro Manila habang patuloy naman nilang pinagsusumikapan na masugpo ang mga krimen sa lungsod.