San Juan River na tambak ng basura, puntirya ng dredging at clearing ops ng MMDA

San Juan River na tambak ng basura, puntirya ng dredging at clearing ops ng MMDA

SANDAMAKMAK na basura sa San Juan River ang nilinis ng MMDA katuwang ang ilang pribadong grupo.

Ikinalugod ito ng lokal na pamahalaan ng San Juan dahil tuwing may malalakas na ulan ay umaapaw ang ilog.

“Tuwing malakas po ang ulan, lalo na nung nagkaroon tayo ng sunod-sunod na mga bagyo at habagat ay talagang umaapaw ang tubig dito sa San Juan River. At nasilip niyo ‘yung San Juan River ngayon ang dami ng basura na nakukuha ng ating trash trap,” wika ni Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Giit pa ni San Juan City Mayor Francis Zamora kailangan ding palalimin ang ilog dahil mababaw na ito.

“‘Yung lalim po kasi ng ilog ay hindi na po katulad ng dati. Sapagkat nag-ipon-ipon na po ‘yung burak, ‘yung basura. Mas mababaw na siya ngayon kaya konting ulan lamang umaapaw na siya. So mahalaga po talaga na bumalik ang dating lalim ng ating mga ilog at mga creek,” ani Zamora.

Ayon sa MMDA, dalawang truck na ng basura ang kanilang nahakot bandang alas-dose ng tanghali.

Tiniyak ni MMDA Chairman Romando Artes na hindi sila hihinto hanggat hindi nalilinis ang mga ilog at estero sa Kalakhang Maynila.

“Definitely, tuloy-tuloy naman po iyan. Sabi ko nga po sa inyo mayroon na tayong kagamitan. Mayroon tayong personnel. At marami tayong volunteers, padami tayo ng padami.”

“Hindi po tayo titigil doon sa 23 esteros. Mayroon po tayong 273 na waterways po na kailangan po dapat linisin natin,” saad ni Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.

Kapwa namang ipananawagan nina Artes at Zamora ang disiplina sa mga residente at ugaliing itapon ang mga basura sa tamang lugar.

QC LGU, naglabas ng kautusan para mapahinto ang pagsasagawa ng Mariblo Pumping Station

Samantala, binara naman ng Quezon City Government ang planong Mariblo Pumping Station ng DPWH.

Sa inilabas na Letter of Objection, iginiit ng QC LGU na bawal magtayo sa creek base sa Water Code.

Bukod rito, posibleng mas lalong lumala ang pagbaha dahil magpapaliit ng daluyan ang disenyo ng pumping station at kulang ang kapasidad nito.

Ayon sa QC Government, dapat lahat ng flood control projects ay tumutugma sa Drainage Master Plan para tunay na makapagbigay-solusyon.

Mayors for Good Governance, nanawagan ng transparency sa flood-control projects

Kasabay rito, lumakas din ang panawagan ng mga alkalde na kabilang sa Mayors for Good Governance para sa transparency sa flood-control projects.

Sa inilabas nilang pahayag, iginiit nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Baguio City Mayor Benjie Magalong, Pasig City Mayor Vico Sotto at iba pang alkalde na dapat ilantad ang lahat ng dokumento, kontratista, at mga politikong sangkot sa proyekto.

“We, as public servants, demand from the Department of Public Works and Highways (DPWH) and all concerned national government agencies the immediate and full disclosure of all project details: the Programs of Work, Detailed Unit Price Analyses, Bill of Quantities, and Feasibility Studies, and most urgently-the names of contractors and politicians responsible for these multi-billion peso projects funded by our taxpayers,” pahayag ng Mayors for Good Governance.

Giit pa ng grupo, matagal nang nagdurusa ang mga Pilipino sa baha at korapsiyon kaya panahon na anila para sa tunay na transparency at pananagutan.

“Flood control projects have existed for decades, but over the past years, corruption in these projects has become more alarming, pervasive, and systematic. There is no justification for any secrecy or delay. The Filipino people have waited long enough,” anila pa.

Dagdag pa nila, ang mga mapatutunayang nagnakaw sa pondo ay dapat hindi lang tanggalin sa puwesto, kundi tuluyang makulong.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble