IGINIIT ng Securities and Exchange Commission (SEC) na may ginawang paglabag sa konstitusyon ang least trusted media outlet na Rappler.
Nitong Lunes ay naglabas ng kautusan ang SEC na nag–uutos sa pagbawi sa certificates of incorporation ng Rappler Inc. at Rappler Holdings Corporation dahil sa paglabag sa ‘Constitutional and Statutory Restrictions’ hinggil sa foreign ownership sa mass media.
Taong 2018 nang magpalabas ng desisyon ang SEC En Banc kung saan napag-alaman na may paglabag na nagawa ang Rappler nang mag-issue ito ng anila’y kwestyunableng Philippine Depositary Receipts (PDRS) sa Omidyar Network, isang foreign entity, na siyang nagkokontrol sa naturang media organization.
Dagdag pa sa opisyal na pahayag ng SEC, umapela ang Rappler sa Court of Appeals (CA) sa naging desisyon ng komisyon pero kinatigan ng CA ang naging desisyon ng SEC noong July 26, 2018.
Una rito habang pending pa ang apela ay nag-anunsyo di umano ang Omidyar Network, sa pamamagitan ng kanilang representative na si Stephen King, na ido-donate na lang nila ang mga PDR sa mga Pilipinong staff ng Rappler.
Pebrero 21, 2019 nang muling pinagtibay ng CA ang kanilang desisyon na katigan ang kautusan ng SEC laban sa Rappler.
Setyembre 25, 2019 ay isang resolusyon naman ang inilabas ng Korte Suprema na nagdedeklara na ‘Case closed and terminated’ na ang kaso.
Mula rito ay muling naglabas ng resolusyon ang CA noong Disyembre 4, 2019 na nagsasabing pinal na ang kanilang mga naunang desisyon.
Sa kabila pa nito ilang beses na umapela sa mga desisyon ng SEC ang Rappler.
Ngunit noong Hunyo 21, 2022, ang SEC, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ay nakatanggap ng pinal na kopya mula sa CA hinggil sa kanilang desisyon.
Ang mga ito ang dahilan kung bakit muling naglabas ng kautusan ang SEC na pinapahinto na nila ang operasyon ng Rappler kasunod ng kanilang pagbawi sa certificates of incorporation ng Rappler Inc. at Rappler Holdings Corporation.