BUMISITA at nagpaabot ng tulong si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga residente na nananatili pa rin sa mga evacuation centers sa Tabacco City, Albay dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.
Aabot sa halos 500 pamilya o 1,615 evacuees mula sa iba’t ibang barangay ng Tabacco City na nasa 6km permanent danger zone ang nakatanggap ng financial assistance at ayuda mula kay Sen. Go.
Ang mga benepisyaryo ay kinailangan lang magpasa ng mga mahahalagang dokumento gaya ng valid ID, certificate of indigency mula sa barangay at photo copy ng disaster assistance family access card (DAFAC).
Ilan sa mga residente ang nagpaabot ng kanilang pasasalamat kay Sen. Go sa tulong na kanilang natanggap.
Bukod dito ay nagpasalamat din si Mrs. Mariz Villanueva, City Social Welfare and Development Officer ng Tabacco City sa pagbisita ng butihing senador sa mga evacuee.
“Appreciated po namin…in behalf po ng mga evacuees…successful ang pagbisita nya,” ayon kay Mariz Villanueva, CSDWO Officer, Tabacco City, Albay.
Kaugnay nito ay nanawagan si Go sa Department of Health na tutukan ang sitwasyon ng evacuees na nasa evacuation sites.
“Mga kababayan ko…nananawagan po ako sa Department of Health…magpadala…huwag n’yo na hayaan na may magkasakit,” saad ni Sen. Bong Go.
Sinabi rin ni Go na napapanahon na para magkaroon ng permanent mandatory evacuation centers sa iba’t ibang munisipalidad na tutugon sa panahon ng iba’t ibang sakuna sa bansa.
“Unang-una mayron po akong na-i-file na sa Senado… napapanahon po na magkaroon tayo ng maayos na evacuation centers…hindi nawawalan ng pag-asa…munisipyo,” dagdag ni Go.
Dagdag pa ni Go na panahon na rin upang isabatas ang DDR bill na matagal nang nakabinbin sa Senado.