Sen. Poe, pinaiimbestigahan ang brownout sa Panay

Sen. Poe, pinaiimbestigahan ang brownout sa Panay

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senadora Grace Poe ang matagal nang nangyayaring power interruption sa isla ng Panay para matukoy ang mga hakbang na titiyak sa tuluy-tuloy na suplay sa mga konsyumer.

Sa Senate Resolution No. 579, sinabi ni Poe na panahon na para bumuo ng pangmatagalang solusyunan sa problema sa suplay ng kuryente na labis na nakaaapekto sa pang-araw-araw ng buhay ng mga residente at gawaing pang-ekonomiya sa rehiyon.

Ani Poe, ang paulit-ulit na power interruption at malawakang blackouts ay hindi dapat maging paraan ng pamumuhay sa Panay Island.

Binigyang-diin pa ni Poe na dapat matukoy ang pangunahing sanhi ng grid disturbances na iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil diumano sa pagbagsak ng distribution utilities (DUs).

Kasabay nito, dapat alamin din sa pagdinig ang posisyon ng mga electric cooperative sa Panay at Negros kung saan itinuturo nila ang NGCP na siyang sanhi ng problema sa malawakang brownout sa nasabing mga isla.

Sinasabi ng isang electric cooperative na nagkaroon ng voltage fluctuation at frequency imbalance sa linya sa ilalim ng pamamahala ng NGCP.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter