Soft launching ng VaxCertPH, isasagawa ngayong araw

Soft launching ng VaxCertPH, isasagawa ngayong araw

ISASAGAWA ngayong araw ang soft launching ng Digital Vaccination Certificate (VaxCertPH).

Magiging available na ang Digital Vaccination Certificates para sa National Capital Region (NCR) ngayong-araw.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang soft launch ng VaxCertPH na sisimulan sa araw na ito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque prayoridad ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) at outbound Filipinos mula sa Metro Manila at Baguio City sa soft launching ng VaxCertPH.

“Overseas Filipino workers and Filipinos who will be departing from the Philippines for international travel with place of residence indicating Metro Manila and Baguio City will be prioritized in the initial phase of the implementation of the VaxCertPH,”ayon kay Sec. Harry Roque.

Kalaunan bubuksan din ito sa publiko ani Roque.

“It will later be opened to the general public and for other purposes at a later time,”dagdag nito.

Ang VaxCertPH ay isang digital na sistema at pangteknolohiyang aplikasyong na naglalayung pag-isahin at gawing uniformed ang pagbibigay ng vaccination certificates.

Layon ng VaxCertPH na magkaroon ng digital vaccination certificate na tatanggapin sa ibang bansa.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), maaaring itong makuha sa pamamagitan ng portal.

Sa mga OFW o may biyahe patungong ibang bansa, pwede na mag-generate ang inyong vaccination certificate sa https://vaxcert.doh.gov.ph/

Ang VaxCertPH ay naglalaman ng personal data ng binakunahan, brand at lot number ng bakunang itinurok, at ang lugar at petsa kung kailan natanggap ang nasabing bakuna.

Naglalaman rin ito ng QR code na gagamitin upang tumugma ang data sa Vaccination Information Management System — isang central database para sa lahat ng mga local government units.

Nauna na ring sinabi ng Department of Information and Communications Technology na target nila na magkaroon ng full nationwide implementation ng VaxCertPH  ngayong Oktubre.

Isa ang Pilipinas ang mga unang nagpapatupad ng mga ganitong-uri ng digital certificate base na rin sa WHO’s standards.

SMNI NEWS