PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na malaki ang penalty ng vote buying at vote selling.
Ayon ito kay DILG Usec. Martin Diño sa panayam ng SMNI News ngayong magsisimula na ang pangangampanya sa lokal na pamahalaan gaya ng mayors, vice mayors at representatives.
“Winawarningan ko na ang mga kapitan. Pagka kayo nakuhanan at kayo ‘yung nagpapamigay ng perang nakasobre palagay ko agad-agad baka hindi na kayo umabot sa eleksyon ng barangay sa December 5, 2022 dahil mabigat ang kaso ng vote buying at saka vote selling. ‘Yung mga nagbebenta ng boto dalawa ‘yan,” pahayag ni Diño.
Kasabay nito ay ipinaalala na rin ni Diño na hindi dapat maging partisan ang mga barangay officials.
Halimbawa, kung naipagamit nila ang kanilang covered court sa isang kandidato, dapat na maipagamit din ito sa iba pa.
Sakaling makatanggap ng report ang DILG hinggil sa paglabag nito, maaaring makasuhan ang isang barangay official.
Ipinaalala rin na hindi maaaring personal na gamitin ng isang kandidato ang mga resources ng lokal na pamahalaan.