Magsisimula na ang prosekusyon sa paghaharap ng mga whistleblowers bilang testigo upang tutulan ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na makapagpiyansa sa kasong pandarambong.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng pre-trial proceeding ng Sandiganbayan 5th Division noong Miyerkules ng umaga at paglalabas ng iskedyul ng pagdinig para sa bail petition ng senador.
Nakatakdang magsimula ang pagdinig sa Oktubre 20, 2026, at magtatapos sa Nobyembre 12, 2026.
Ayon sa prosekusyon, 21 testigo ang kanilang ihaharap sa bail hearing.
Sa unang araw ng pagdinig, isang NBI agent ang inaasahang haharap sa witness stand.
Kabilang din sa mga testigo ang mga human resources personnel ng DPWH Metro Manila, at isang kinatawan mula sa Senado.
Bonoan, tetestigo vs. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan 5th Division
Binanggit din ng prosekusyon si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, ngunit hindi pa malinaw kung ihaharap siya sa bail hearing o sa pangunahing paglilitis ng kaso.
Ayon sa prosekusyon, nakatakdang iharap ang kanilang mga pangunahing testigo sa Oktubre 27, 28, at 29.
Mayroong 30 araw ang Sandiganbayan 5th Division upang resolbahin ang bail petition at magpasya kung pagbibigyan o tatanggihan ang hirit ng senador na makapagpiyansa.
Matatandaang kapwa akusado ni Estrada si Bonoan sa plunder case.
Gayunman, inalis si Bonoan sa kaso matapos pagbigyan ng korte ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang case information.
Dumalo si Estrada sa pre-trial proceeding sa pamamagitan ng video conference.
Kamakailan, sinuspinde rin ng Sandiganbayan 5th Division si Estrada sa kaniyang puwesto bilang senador kaugnay ng kasong kinakaharap niya.
Tatagal ng 90 araw ang preventive suspension ng senador.
