Umabot na sa kabuuang 152 OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia ang nakabalik-bansa nitong Nobyembre 18, sa nagpapatuloy na repatriation efforts ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa datos ng OWWA, 87 Overseas Filipino Workers (OFW) ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng dalawang magkahiwalay na flight ng Qatar Airways.
Kabilang dito ang 30 OFW na dumating sa umaga sakay ng Flight QR934, sa ilalim ng DMW-funded repatriation, at 57 naman sa hapon sakay ng Flight QR932, na pinondohan ng OWWA.
Samantala, 65 pang OFW ang dumating sa NAIA Terminal 1 sakay ng Saudia Flight SV862.
Agad silang sinalubong at inalalayan ng DMW, OWWA, at MIAA Medical Team upang matugunan ang kanilang mga agarang pangangailangan.
Kabilang sa tulong na ipinagkakaloob sa mga balik-bansang OFW ang pagkain, transportation assistance, pansamantalang matutuluyan at financial assistance para sa mga kwalipikadong nangangailangan nito.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DMW at OWWA para sa pagpapauwi sa iba pang mga OFW na nangangailangan ng tulong sa Saudi Arabia.
Sa tulong ng mga Regional Welfare Offices, patuloy na inaalalayan ang mga balik-bansang OFW sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga programa para sa reintegration, kabuhayan, at skills training upang matulungan silang makapagsimula muli sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Bahagi ang mga hakbang na ito ng UPLIFT Saving Lives Pillar na naglalayong matiyak ang maagap at makataong pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong nangangailangan ng tulong at proteksiyon.
Una na ring sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad ng chartered-flights para sa mga uuwiang OFW mula Saudi Arabia, lalo na ngayong papalapit na ang Pasko.
