39 heavy equipments, pinasinayaan sa Sultan Kudarat

39 heavy equipments, pinasinayaan sa Sultan Kudarat

Pinangunahan ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ang turnover ceremony para sa 39 heavy equipments at patient transfer vehicle.

“I’m very happy because alam niyo, andaming mga kalsada na kailangan pang ayusin, may mga farm-to-market road tayo na itatayo, may infrastructure development at naniniwala ako, hindi natin kinakailangan na mag-antay tayo sa national government o mga sino pang tutulong. Tayo mismo sa lalawigan ng Sultan Kudarat, gagawa ng inisyatibo nang sa ganun ramdam ng ating mga kababayan lahat ng pwede nating maibigay,” pahayag ni Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu, Province of Sultan Kudarat.

Kabilang sa mga itinurn-over ang 12 dump trucks, 7 crawler excavators, 4 wheel-type excavators, 4-wheel loaders, 4 road rollers, 2 amphibious excavators, 2 boom trucks, 2 motor graders, at 2 small excavators.

“Again, this is not for short term, this is for long term. Kahit matapos ang ating termino, kung sino man ang uupo sa mga susunod—magagamit nila ito. At the end of the day, these equipments, these services, these will be used to the entire province of Sultan Kudarat,” ayon pa sa gobernador.

Umaabot sa P400 million ang investments ng Sultan Kudarat Provincial Government para sa pagbili ng mga kagamitang ito.

Ayon kay Governor Mangudadatu, layunin nitong mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto sa lalawigan.

Makatutulong din ang mga ito upang mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad.

“Kita ninyo itong malaki, this is an amphibious excavator na pwedeng lumangoy sa tubig. So, I’m really hoping that we can use this for three purposes. Number 1, priority iyong farm to market road, number 2 iyong pag-aayos ng ating mga daan, at pangatlo ang disaster resilience. Alam niyo minsan sa mga mountainous areas, kapag umulan nang malakas. mahirap iyong daan so we wanted to make sure that these are already properly deployed para kung masira ang daan hindi aabutan ng 24 hours, maayos agad,” aniya pa.

Plano ng provincial government na paikutin ang mga heavy equipment kada buwan sa 12 LGUs na sakop ng Sultan Kudarat.

Samantala, ang turnover ceremony ang nagsilbing paunang aktibidad sa pagbubukas ng grand celebration ng Kalimudan Festival 2026.

Follow SMNI NEWS in Twitter