Dumagundong ang palakpakan at hiyawan sa Shrine Auditorium nang tanggapin ng cast ng ‘The Pitt’ ang ‘Outstanding Performance by an Ensemble in a Drama Series’ award sa ginanap na 32nd Annual Actor Awards.
Kabilang sa mga umakyat sa entablado ang tatlong Filipina actresses na sina Isa Briones na gumanap bilang si Dr. Trinity Santos; Amielynn Abellera bilang si Perlah, isang Filipino Muslim nurse at Kristin Villanueva na gumanap naman bilang si Princess na isa ring nurse.
Nagpasalamat naman si Isa sa mga miyembro ng SAG-AFTRA na bumoto para sa kanilang palabas, at tinawag itong isang espesyal na selebrasyon para sa serye na talaga namang pinaghirapan nila.
Kamakailan lang ay umani rin ng international praise si Isa sa isang eksena sa Season 2, Episode 7 ng serye kung saan inawit ng kaniyang karakter ang Hiligaynon lullaby na “Ili-Ili, Tulog Anay.”
Hindi lang iyan, dahil present din sa awards night ang ama ni Isa na si Jon Jon Briones, na isa ring Filipino-American actor, at buong pagmamalaki itong sumuporta sa isa na namang milestone sa career ng kaniyang anak — hindi lamang para sa serye kundi para sa lumalawak na presensiya ng Filipino talent sa global entertainment scene.
