Ginawang opisyal ni Mikey Williams sa social media ang kanyang paglipat sa Converge FiberXers matapos magbahagi ng team tarpaulin sa kanyang Instagram story noong Marso 3 habang nasa team building ang FiberXers.
Ang dating kampeon ng TNT Tropang 5G ay sasama sa batang core ng Converge na kinabibilangan nina Juan Gomez de Liaño, Justine Baltazar, Justin Arana at Alec Stockton. Kamakailan ay pinalakas din ng koponan ang roster sa pagkuha kina Calvin Abueva at Jonnel Policarpio.
Matatandaang ilang beses nauwi sa deadlock ang negosasyon nina Williams at TNT bago tuluyang bitawan ng koponan ang kanyang signing rights noong Hunyo 2025 kapalit ni Jordan Heading.
Huling naglaro si Williams sa PBA noong 2023 Governors’ Cup kung saan pinangunahan niya ang TNT sa kampeonato. Matapos nito ay tatlong taon siyang nawala sa liga bago ang kanyang pagbabalik ngayon sa Converge.
