36% ng kita ng BCDA, ilalaan sa military modernization – BCDA chair Lorenzana

36% ng kita ng BCDA, ilalaan sa military modernization – BCDA chair Lorenzana

ITINALAGA kamakailan lang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos si dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na mamuno sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Ayon kay Lorenzana sa Laging Handa public briefing na wala pang naging partikular na direktiba si Pangulong Marcos sa BCDA.

Gayunpaman, nangako si Lorenzana na mai-ambag ang 36% na kita ng BCDA para sa military modernization.

Layon ng bagong BCDA chair na mapangalagaan ang interes ng armed forces kung saan makakukuha rin ito ng pondo mula roon sa mga kinikita ng BCDA.

“Basta ang sabi ko sa kaniya, ang kagandahan ng aking pagpunta sa BCDA ay sa kadahilanang 36% ng earnings o iyong kinikita ng BCDA ay pupunta sa modernization ng equipment ng armed forces. Kasi bilyung-bilyong peso ito at marami na rin silang naibigay para sa modernization—nakabili tayo ng maraming equipment dahil doon sa binibigay ng BCDA,” ani Delfin Lorenzana- Chairperson, BCDA.

Ngunit, ipinaliwanag ni Lorenzana na hindi lang armed forces ang nakikinabang sa BCDA.

Bagkus, marami ring ahensiya rito na nakikinabang katulad ng Supreme Court at Department of Labor and Employment.

“Sa 100% na profit ng BCDA ay, sabi ko nga sa iyo, 36% lang iyong nakukuha ng AFP so ang karamihan niyan ay ibinibigay nila sa mga iba’t ibang ahensiya [para] sa mga kanilang gagamitin din, kung saan man nila gagamitin; maaari ring pang-improve ng kanilang opisina or whatever, pambili ng mga equipment,” saad pa ni Lorenzana.

Ibinahagi naman ni Lorenzana na may nakalatag nang mga programa sa BCDA.

Mula noong 1995 na naorganisa ang BCDA hanggang ngayon, kino-convert nito ang military camps na iniwanan ng Amerika na maging commercial districts.

Kasama na rito ang Clark Airbase, Poro Point sa Subic, Camp O’Donnell sa Tarlac, Camp John Hay sa Baguio at pati na rin ang Bonifacio Global City na dating parte ng Fort Bonifacio at ang New Clark City.

Sa pag-upo nito bilang bagong pinuno ng BCDA, ani Lorenzana, hindi pa nito nakikita masyado kung ano pa ang mga ginagawa sa korporasyon.

Saysay ng BCDA chair, kaunting briefing pa lang ang naganap noong nakaraang linggo at nagkaroon din sila ng board meeting nitong mga nakaraang araw.

Sa ngayon, saad ni Lorenzana, tuloy-tuloy ang kanyang pag-aaral sa mga nakalatag na programa ng BCDA.

Tiniyak din ng BCDA chair na gagawin nila ang lahat para kumita ang korporasyon nang maayos upang makaambag pa, para sa mas ikabubuti ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter