PINAPLANO na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na gawing institusyonal ang 3-minute response scheme na sinimulan ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa katunayan ayon kay PMGen. Edgar Allan Okubo, Regional Director ng NCRPO sa panayam ng SMNI News, may ibinaba nang budget para dito.
Ang Integrated Command Control Center (ICCC) ng Quezon City ay isang state-of-the-art facility na layuning makapagresponde agad ang mga pulis sa loob lamang ng 3-minuto.
Nakatambay naman ang mga pulis sa iba’t ibang lokasyon para rumesponde sa anumang krimen.
Nauna nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. na ipatutupad na rin ito sa buong bansa.
Ani Acorda, sisikapin niyang mangyari ito sa ilalim ng kaniyang administrasyon bilang bahagi ng crime prevention at solution strategies ng Pambansang Pulisya.
Hinggil naman sa cybercrime, sinabi ni Okubo na sinisikap na ng PNP na magkaroon na ng kakayahan mag-imbestiga rito ang lahat ng police stations sa Metro Manila.