Natagpuan at nahukay ng mga tauhan ng 55th Infantry “Vigilant” Battalion, 1st Infantry Division, Philippine Army, kasama ang Maguing Municipal Police Station at SOCO ng Lanao Del Sur Police Provincial Office, ang mga labi ng limang indibidwal sa liblib na bahagi ng Barangay Dilimbayan, Maguing Lanao Del Sur noong Mayo 11.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap ng impormasyon ang 55th Infantry Battalion mula sa mga residente tungkol sa mga labing matagal nang nakalibing sa nasabing lugar.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang yunit sa kapulisan upang maisagawa ang maayos na paghuhukay at pagsusuri sa mga natagpuang labi.
Dinala ang mga labi sa Francfort Public Cemetery sa Amai Manabilang, Lanao del Sur upang mabigyan ng maayos at pormal na paglilibing.
Hinihikayat naman ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon tungkol sa mga nawawalang indibidwal na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kampo ng hukbo upang makatulong sa patuloy na imbestigasyon.
