PATAY ang walong sundalo ng 2nd Infantry “Second to None” Battalion (2IB) ng 9th Infantry “Spear” Division (9ID) sa isang car accident sa Masbate.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang aksidente dakong alas onse ng Linggo ng gabi, Oktubre 16.
Ito’y matapos mawalan ng kontrol ang driver ng sinasakyan nitong KM450 light utility vehicle nang pumutok ang kaliwang gulong ng kanilang sasakyan.
Agad na sumalpok ang sinasakyan ng mga sundalo sa nakaparadang cement mixer sa tabi ng kalsada sa Brgy. Buenasuerte, Uson, Masbate.
Ayon sa ulat, pabalik na ang grupo sa kanilang batallion headquarters sa Milagros, Masbate nang maganap ang aksidente para maghatid ng supplies.
Bukod sa walo, nagtamo rin ng sugat at pinsala sa katawan ang anim na mga kasamahan pa nito habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pang sundalo sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.
Sa kabuuan, 14 ang bilang ng sundalo mula sa 2nd Infantry Battalion ang nasa sasakyan habang patungo sana sa Barangay Paguihaman sa Uson, Masbate.
Personal naman na nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Army Chief Lt. Gen. Romeo S. Brawner Jr. sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Kasabay nito, ay tiniyak rin ng Philippine Army na magkakaloob ito ng tulong pinansyal at iba pang benepisyo sa mga biktima ng aksidente.
Isa ang Masbate sa Bicol Region na kasalukuyang binabantayan ng ating mga kasundaluhan dahil sa nananatiling banta ng terorismo at insurhensiya sa lugar.
Napag-alaman na patuloy rin ang operasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa lugar.
Agarang ipinag-utos ng Philippine Army ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring aksidente na kumitil ng buhay ng ating mga kasundaluhan.
