NAGPAKITANG gilas ang JMC Kings hindi lang sa isa, kundi sa dalawang back-to-back na laban nitong linggo sa Davao at sa Munisipalidad ng Bansalan sa Davao del Sur.
Mula sa Unit Meet ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) Championship sa Davao City, hanggang sa Governador Yvonne Roña Cagas Collegiate Basketball Cup sa Bansalan Municipal Gym, pinabilib ng Kings ang mga tagahanga sa kanilang husay sa basketball court.
Sa umaga, nagharap ang JMC Kings at ang beteranong DMMA Marines sa Unit Meet PRISAA Championship.
Maganda ang naging simula ng Kings sa nasabing laban, kasabay ng buzzer-beating three-pointer ni Mendiola, na nagbigay sa kanila ng maagang 14-8 na bentahe sa unang quarter.
Patuloy ang kanilang dominasyon sa laro, at natapos nila ang unang quarter na may iskor na 20-10 sa kanilang pabor.
Nagkaroon ng problema sa free throws ang DMMA Marines, kaya’t patuloy na nakalamang ang Kings.
Sa ikalawang quarter, bumawi ang DMMA Marines, ngunit determinado ang JMC Kings, at ang mabilis na nakabawi ang mga steal ni Mendiola at pagpasok sa ikatlong quarter may 37-29 na bentahe na ang koponan.
Kahit sinubukan ng Marines na malapatan ang agwat, nanatili ang kumpiyansa ng Kings at natapos ang ikatlong quarter na may 55-45 na lamang. Sa huling quarter, napanatili ng Kings ang kanilang lamang at nagwagi sa iskor na 62-57, dahil dito—naiuwi ng JMC Kings ang Unit Meet PRISAA Championship title, at nagkamit ng pwesto sa paparating na Regional Finals sa June 3-5, 2023.
‘’Super happy, then naano namo mga sacrifices namo, mga kahago namo sa practice. Then nagbunga ang tanan namong kakapoy, mga sacrifices namo. Karon magdula na pud mi unya sa Bansalan, pero importante gyud sa PRISAA, siyempre gusto na pud namo magnational,’’ saad ni Chris Catarong ng JMC King.
Masaya kami na lahat ng mga sacrifice namin, sa mga practice namin, nag bunga lahat ng paghihirap namin.
Samantala, kinagabigan ay patuloy na ipinamalas ng JMC Kings ang kanilang kahusayan sa basketball laban sa NDMC Midsayap sa Governador Yvonne Roña Cagas Collegiate Basketball Cup 2023.
Simula pa lang ay nagpakitang gilas na ang dalawang koponan sa pamamagitan ng long-range shooting at pagpapaulan ng tres.
Bagamat lamang ang NDMC sa unang quarter, ay bumawi naman ang JMC Kings para gawing tie ito sa ikalawang quarter ng laro.
Hindi rin natinag ang JMC Kings at nagbalik-kamao sa ikatlong quarter, pinangunahan ni Catarong ang opensiba, gumawa ng magagandang layup, at pinaikli ang pagkakabawas sa 71-64.
Matindi naman ang naging ganap sa ika-apat na quarter, bumanat naman sina Quiamco at Mendiola para sa Kings, at sa kabila ng pagsisikap ng NDMC, nanatili ang kumpiyansa ng Kings at sa huli’y nagwagi ito sa score na 91-80.
Humanga naman si Bansalan Vice Mayor Samuel Gadingan sa husay ng JMC Kings players at maging ng mga coach nito, habang aminado naman si JMC Kings Coach Flordelito Cagampang na mahirap na kalaban ang NDMC.
“Ang inyohang mga players, they are very tough, actually they are playing a very very well, organized play inside the court. Then you have good coaches, you have a set of coaches that can really look at the players inside, pwede nilang mamanipulate, or pwede nilang mabago in a setting na in a second, pwede nila mabago ang outcome ng laro,”sabi pa ni Bansalan Vice Mayor Samuel Gadingan.
“Yung team naman ng Notre Dame, malakas talaga ‘yun, bihira lang natatalo ‘yun. Pag dito sa Region 12, sila talaga ang champion kahit yung Perpetual, yung GenSan, hindi na mananalo sa kanila. So yung panalo natin kanina, sa ano lang talaga ‘yun, kung sino lang bumigay sa last, katulad ng mga 4th quarter, doon tayo lumamang. Nagsustain yung depensa natin, kaya ‘yun nanalo tayo,’’ ani Coach Flordelito Cagampang.
Samantala malaki naman ang pasasalamat nito kay JMCFI Founding Pres. Pastor Apollo C. Quiboloy.
“Salamat, Pastor. Nakachampion na naman tayo uli. Binigyan na naman tayo ng isa pang champion. Katulad ng sinasabi mo, Pastor, ayaw mo magpatalo, kaya ginalingan talaga namin. Lalo na sa mga sumama samin dito, isang bus tayo, grabe ang suporta nila sa amin, lalo na sa’yo Pastor. Maraming salamat, Pastor,”dagdag pa niya.
Ang dalawang panalo ng JMC Kings sa Unit Meet PRISAA Championship at sa Governador Yvonne Roña Cagas Collegiate Basketball Cup ay patunay lamang sa husay at galing ng JMC Kings at sa determinasyon nito na makamit ang kampyeonato—saan mang liga sila maglaro.