MAY idaragdag na security feature ang Commission on Elections (COMELEC) para sa mga balotang gagamitin para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, mayroon nang serial number ang bawat balota.
Dahil dito aniya, mahirap nang gayahin ang mga balota at maiiwasan ang pamemeke ng mga ito.
“‘Yun pong serial number, ‘yung balota. Before po walang ganitong ascending number meaning ‘yung parang sa pera natin tumataas, lumalaki, maliit hanggang palaki ‘yung number and this is a security feature and therefore nobody can just prepare fake ballots,” pahayag ni Garcia.
Ang serial number ay gagamitin muna sa barangay at SK elections at kalaunan ay sa susunod pa na mga eleksyon.
Dagdag pa ni Garcia, walang binayaran ang COMELEC para sa nasabing security feature.
Nasa 92 milyon na balota ang kailangang iimprinta ng COMELEC para sa barangay at SK elections.
Pagtitiyak ng COMELEC na all-system-go na para sa naturang eleksyon.
“Muli ang amin pong guarantee na ano man po ‘yung pangyayari lalung-lalo na sa BSK elections, this is just to show to everyone that one and all (di po ako sure dito) that the COMELEC is ready. We will be finishing the printing of the ballots as we discussed earlier with the officials of NPO within a period of 30 days,” ayon kay Garcia.
Samantala, naimprenta na ang mga balota para sa Ormoc City Plebiscite.
Ito ay matapos ang paglagda ng COMELEC at National Printing Office sa isang memorandum of agreement (MOA).
Pinangunahan ang MOA signing nina COMELEC Chairman George Garcia at National Printing Office Director Carlos Bathan.
Nasa 10,209 balota ang inimprenta ngayong araw para sa plebesito sa Ormoc.
Kamakailan ay isinulong ng Ormoc LGU ang pagsasanib ng 28 barangay sa loob ng commercial district nito.
Ang 28 barangay ay pagsasamahin sa tatlo kung ang mga residente ay sasang-ayon sa panukala sa pamamagitan ng plebisito.