NANAWAGAN si Speaker Martin G. Romualdez ng suporta mula sa mga negosyante sa Estados Unidos para sa mga layunin at programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at binigyang-diin na ang Pilipinas ay handa na para sa mas maraming pamuhunan.
Ipinahayag ito ni Romualdez, na bahagi ng opisyal na delegasyon ng Pangulo, matapos na magtalumpati si Pangulong Marcos noong Lunes ng hapon (oras sa US) sa New York Stock Exchange economic forum, na dinaluhan ng mga pinuno ng mga negosyante na nakabase sa Pilipinas at Estados Unidos.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo ang malaking oportunidad at masiglang ekonomiya para sa mga mamumuhunan na magtatayo ng negosyo sa Pilipinas.
Kaugnay ng layunin ni Pangulong Marcos na makabawi mula sa pampublikong krisis sa kalusugan na nanalasa sa buong mundo ngayon, tiniyak ni Romualdez ang mga mamumuhunan na ang mga mambabatas na Pilipino ay lubos na nagsisikap na mapagaan ang pagnenegosyo sa Pilipinas, at mapaganda ang kapaligiran ng pagnenegosyo na magpapalago ng ekonomiya.