INAPRUBAHAN na sa huling pagbasa sa Senado ang panukalang Bureau of Fire (BFP) Modernization Bill para sa modernisasyon at pagpapalakas sa kakayanan ng ahensiya.
Ito’y sa pamamagitan ng pagkakaroon ng makamodernong kagamitan para sa sunog at pagligtas ng buhay, karagdagang tauhan at tamang pagsasanay sa mga tauhan.
Nakuha ng nasabing panukala ang 23 na pagsang-ayon, walang hindi sumang-ayon at wala ring abstensyon.
Layunin ng Senate Bill No. 1832 o ang BFP Modernization Act na tulungan ang BFP na matupad nito ang mandato ng pagsulong ng kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pagliligtas ng mga buhay at pagprotekta sa mga ari-arian sa panahon ng kagipitan.
Ayon kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman of the Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na siya ring sponsor ng panukala, masisiguro nito ang pagkakaroon ng sapat na kagamitan at tauhan sa pagresponde sa mga kalamidad.
“We will not allow the BFP to prevent and suppress destructive fires alone. Sa tulong ng Senate Bill No. 1832, masisiguro natin na magkakaroon ng sapat na fire officers, fire trucks, personal protective equipment at ibang equipment na kailangan para maapula ang mga nakamamatay na sunog. Bukod pa rito, mas magagampanan ng BFP ang kanilang tungkulin bilang “first responder” sa mga sakuna, aksidente, at iba pang emergency,” pahayag ni Dela Rosa.
Ang modernization program ay magtataglay ng mga bahagi kagaya ng fire protection service, force restructuring and organizational development, capability, material, at technological development, specialized services development, at human resource development.
“Muli po. sa tulong ng Kongreso, maisasakatuparan na ang ating pangarap na lahat ng bayan sa buong Pilipinas ay magkakaroon na ng sariling firetruck at fire station; wala na sana tayong makikitang bomberong kulang sa protective equipment habang lumalaban sa nakamamatay na sunog; wala na sana tayong mababalitaang namatay dahil walang nagresponde na ambulansya sa mga sakuna,” ani Dela Rosa.
Tinayak naman ni Dela Rosa na magkaroon ng sapat na pondo mula sa pamahalaan ang modernization ng BFP.
“Ang pagpapasa po ng panukalang batas na ito ay unang hakbang sa patuloy na pagmomodernisa ng BFP. Makakaasa po ang ating mga kababayan na ating babantayan at titiyakin na magiging maayos ang pagpapatupad ng batas na ito. We will also ensure that our annual national budget will include sufficient funds for the programmed projects of the BFP for their modernization program,” dagdag ng senador.