ISANG araw bago ang National Lipstick Day ay may babala ang EcoWaste Coalition sa mga kababaihan na mahilig gumamit ng lipstick na may lead.
Ayon sa grupo, may mga lipstick na nabibili sa halagang P10 ngunit kargado naman ng mga sangkap na mapanganib sa kalusugan.
Sa kanilang imbestigasyon, halos 100 lipstick na may mataas na lebel ng arsenic, cadmium at mercury ang kanilang nadiskubre.
Ayon sa EcoWaste Coalition, lampas ang mga nasabing lipstick sa ASEAN Cosmetic Directive.
“Ang lead ay meron lamang limit pagka-lipstick ay 20 parts per million, arsenic ay 5 parts per million, cadmium ay 5 parts per million at pagka-mercury ay dapat 1 parts per million lamang ito,” pahayag ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition.
Kinuha ang samples mula sa online shopping apps, sa malalaking siyudad sa Luzon at Mindanao na nabibili sa bangketa, merchandise at department stores.
Narito ang listahan o sample na may pinakamataas na lead level per brand:
MAC Mariah Carey Lipstick #02 (fake)
Qianxiu Little Lipstick #01 (brown canister)
Koko Kollection #08 (fake, red canister)
Meiya Lipstick #3
DEXZ Lipstick #03
SOURCE: EcoWaste Coalition
“Ang mga hindi otorisadong lipstick na binibenta sa merkado kabilang ang mga imitasyong produkto ay maaaring naglalaman ng mga heavy metal na maaaring magdulot ng mga panganib sa kalusugan,” ayon kay Lucero.
Diin din ng grupo na ang pag-aangkat, pamamahagi at pagbebenta ng mga nakalalasong lipstick offline at online ay direktang paglabag sa batas.
