Caviteños UK Association, dumayo pa sa Pilipinas para gumawa ng medical mission

Caviteños UK Association, dumayo pa sa Pilipinas para gumawa ng medical mission

DUMAYO pa sa Pilipinas ang Cavite UK Association para maghatid ng medical mission.

Maaga pa lang ng Huwebes ng umaga, dagsa na ang mga tao sa medical mission ng Caviteños UK Association.

Ang mga miyembro at volunteers ng Caviteños UK Association ay nakabase sa United Kingdom at umuwi lang ng Pilipinas para maghatid ng naturang libreng medical mission sa Bacoor, Cavite.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ng mga ito sa mga Caviteños ay medical consultation, dental extraction, mobile ECG, X-ray at blood sugar testing.

Mayroon din para sa distribusyon ng reading eyeglasses, dental at hygiene kits.

Ayon kay Arlene Oxida, presidente ng Cavite UK Association, taon-taon ay umuuwi sila ng Pilipinas para sa medical mission.

Sa medical mission ngayon sa Bacoor, 8 buwan daw ang kanilang ginawang preparasyon.

Mayroong iba pang medical mission na gagawin ang Cavite UK Association at kung isusuma tutal anila ay nasa kalahating milyon ang inilaan nilang pondo para dito na kinukuha naman nila sa mga donor sa UK.

Ilan naman sa mga dumagsa sa medical mission ay si Teodora Bobis, 83 years old na gustong magpatingin dahil nadulas.

Sa edad ni Aling Teodora, ay nagtitinda pa raw ito sa palengke at nahinto lang kamakailan.

Isa rin sa mga nagpacheck up ay si Aling Teresita Bunag, na minsan nang na-stroke at ngayon ay may problema naman sa tiyan.

Kasama niya sa medical mission ay ang anak niya na si Christina Bunag.

Ayon kay Aling Christina, malaking tulong ang medical mission dahil kahit papaano ay makakatipid sila ng 3-K piso para sa check-up ng nanay niya.

Nagpapasalamat naman si Bacoor City Mayor Strike Bautista Revilla sa inisyatiba ng Cavite UK Association.

Follow SMNI NEWS in Twitter