PABOR ang grupo ng mga magulang sa panukala ni Senator Robin Padilla na gawing presidential adviser ang mga dating pangulo ng bansa gaya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Naniniwala si Sen. Padilla na may kaya pang maibigay o mai-contribute ang mga dating pangulo ng bansa.
Partikular na inihalimbawa ni Padilla si dating Pangulong Duterte na maaaring mailuklok bilang presidential adviser sa law enforcement o sa foreign relations.
“’Yung akin po, sayang yung ipinondo nating karunungan na anim na taon doon sa pangulo na yun kung pagkatapos ng kanyang termino kung hindi natin sigurado kung kukunin ba siyang presidential adviser ng kasalukuyang pangulo o hindi,” pahayag ni Sen. Robin Padilla.
Pinaburan ng organisasyon na Yakap ng Magulang Movement ang naturang pagnanais ni Sen. Padilla.
Ayon kay Relissa Lucena, founding president ng Yakap ng Magulang Movement, malaki ang maitutulong ng dating mga pangulo lalo na si dating Pangulong Duterte sa bansa.
Sa ilalim nga ng Duterte administration, kanilang naramdaman ang tunay na pagbabago lalo na sa usapin ng peace and order sa bansa.
Kung dati aniya ay natatakot silang maglakad sa lansangan, ngayon ay panatag na ang mga Pilipino dahil sa pinaigting na peace and order na pinairal ng dating Presidente.
Sa ilalim din aniya ng Duterte administration ay istriktong naipatupad ang polisiya laban sa mga police scalawag.
Kamakailan lang ay inakda nina Senators Christopher Go, Ronald dela Rosa, Francis Tolentino at Mark Villar ang Senate Bill 1784 na tinawag na “Former President Act of 2023.”
Sa ilalim ng naturang panukala, bibigyan ng mga staff, opisina at proteksyon mula sa Presidential Security Group (PSG) o mula sa Philippine National Police ang mga dating pangulo.
Sa kasalukuyan ay si dating Pangulo at House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay tumutulong na sa Marcos administration.
Makailang ulit na rin itong naging bahagi ng delegado ng Pilipinas sa mga foreign trip ni Pangulong Marcos.