Chinese Embassy, tikom pa rin ang bibig hinggil sa iligal na pagpasok ng PLAN sa Sulu Sea

Chinese Embassy, tikom pa rin ang bibig hinggil sa iligal na pagpasok ng PLAN sa Sulu Sea

WALA pa ring pahayag ang Chinese Embassy hinggil sa summon na ipinadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay Chinese Ambassador Huang Xilian kaugnay sa iligal na pagpasok ng People’s Liberation Army – Navy (PLAN) sa Sulu Sea.

Iginigiit ng DFA na iligal  at walang permiso na pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas ang PLAN ng China sa Sulu Sea.

Kinumpirma ng DFA na ipinatawag sa pamamagitan ni Undersecretary Ma. Theresa Lazaro, si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa illegal incursion ng PLAN sa Sulu Sea.

Sa inilabas na pahayag ng kagawaran, simula Enero 29 hanggang Pebrero 1, 2022, pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas ang Plan Electronic Reconnaissance Ship (Dongdiao-class) na may bow number 792 nang walang permiso.

Kung saan naabot pa nito ang bahagi ng Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.

Dagdag din ng DFA, ipinagpatuloy pa rin ng PLAN 792 ang kanilang mga aktibidad sa karagatan ng Pilipinas sa kabila ng ilang beses na kautusan ng BRP Antonio Luna na umalis sa teritoryo ng bansa.

Dahil dito, iginiit ni Lazaro na dapat respetuhin ng China ang teritoryo ng bansa.

Paliwanag ng DFA bilang isang bansang tumutupad sa international commitments, kinikilala ng Pilipinas ang karapatan ng innocent passage alinsunod sa Artikulo 52 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Gayunpaman, ang mga aksyon ng PLAN 792 ay hindi masasabing innocent passage at labag sa soberanya ng Pilipinas.

Bilang tugon sa insidente, hiniling ni Acting Undersecretary Lazaro na igalang ng China ang teritoryo ng Pilipinas at ang maritime jurisdiction, at sumunod sa mga obligasyon nito sa ilalim ng international law, partikular na sa  UNCLOS, at idirekta ang mga sasakyang pandagat nito na huwag pumasok sa karagatan ng Pilipinas nang hindi imbitado at walang pahintulot.

Kung nagtatanong bakit hindi si Secretary Teodoro Locsin ang nagpatawag sa Chinese ambassador, ito’y dahil ang kalihim ay kasalukuyang nasa Morocco.

Follow SMNI News on Twitter