Chiz, tiwalang tatanggapin ng bicam ang P200-M budget sa reimbursement ng mga na-offload na pasahero

Chiz, tiwalang tatanggapin ng bicam ang P200-M budget sa reimbursement ng mga na-offload na pasahero

INAASAHAN ni Sen. Chiz Escudero na tatanggapin ng bicameral conference committee ang probisyon na isinama ng Senado sa 2024 General Appropriations Bill (GAB) na nagbibigay-daan sa reimbursement ng mga Pilipinong pasahero na na-offload mula sa kanilang mga flight dahil sa mahabang pagsusuri ng Immigration officers na may layuning labanan ang human trafficking.

Si Escudero ay naniniwala na nararapat na ibalik ng gobyerno ang bayad sa mahigit 32,000 na naapektuhang pasahero noong 2022 na hindi naka-board sa kanilang mga flight.

Binigyang-diin din ng beteranong mambabatas na hindi kailangan ng karagdagang pondo ang ibabayad dahil ito ay manggagaling sa kita ng BI mula sa kanilang koleksiyon.

“Buo ang paniniwala ko na tatanggapin ito sa bicam dahil ang ginalaw ko lamang na pondo ay iyong 10 percent na nakokolekta ng Bureau of Immigration na hindi naman nila nagagamit at binabalik naman nila kada taon sa National Treasury,” pahayag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero

Batay sa tala ng BI, nasa 32,404 na Pilipinong pasahero ang hindi pinayagan na tumuloy sa kanilang mga flight sa nakaraang taon, kung saan 472 sa nasabing bilang ay natuklasang biktima ng human trafficking o ilegal na recruitment.

“Iliwanagin ko lang, ito ay retroactive provision. Lahat ng mga na-offload sa nagdaang panahon, pwedeng mag-claim. Nasa sa BI na iyan kung ano ang ire-require nila sa mga pasahero? Ticket ba? Pruweba na inoffload sila, petsa dapat na sila ay umalis, magkano nagastos sa tiket, etc,” dagdag ni Escudero.

Sinabi rin ng senador na ang Department of Justice at ang BI ay dapat maglabas ng isang dokumento na magsisilbing gabay sa patakaran o checklist sa pagsusuri ng mga umuuwing Pilipinong pasahero upang maprotektahan sila laban sa human trafficking.

“Dapat na magkaroon ng guidelines. Ano ba iyung mga dapat nilang hinahanap? Parang checklist na kumbaga, pag seven out of 10 sa listahan nakita nila as red flag sa pasahero ay offloaded ‘yan,” aniya.

Umaasa rin ni Escudero na hindi i-veveto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang nabanggit na probisyon dahil ang alokasyon na nagkakahalaga ng P200-M ay maliit lamang na bahagi ng P5.7-T budget ng pamahalaan sa susunod na taon.

“Maliit na halaga lamang itong P200 million kaugnay sa ng mahigit P5-trillion budget ng pamahalaan at nakabase pa ito sa income ng BI, hindi nakabase sa bagong buwis na kokolektahin ng BIR (Bureau of Internal Revenue), kaya wala akong nakikita na masasaktan ang gobyerno rito sa ating panukala,” aniya.

 

Follow SMNI News on Rumble