COMELEC, nagpasaklolo sa Senado sa natapyas na P5.7-B pondo para sa 2024

COMELEC, nagpasaklolo sa Senado sa natapyas na P5.7-B pondo para sa 2024

HINILING ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga senador na tulungan silang maibalik sa kanilang budget ang natapyas na pondo na gagamitin para sa paghahanda sa 2025 elections.

Sumalang ngayong araw ng Huwebes ang COMELEC sa budget briefing sa Senado para sa taong 2024.

Dito ay agad na nagpatulonhg si COMELEC chairman Atty. George Erwin Garcia sa mga mambabatas na madagdagan ang kanilang pondo na nakalatag sa national expenditure program (NEP) para sa 2024.

Ayon kay Chairman, P44-B ang kanilang orihinal na rekwest na pondo.

Pero sa 2024 NEP ay higit-kumulang P27-B na lamang ang nakalaan sa kanila.

Tinatayang nasa P17-B ang natapyas.

Sinabi ni Chairman Garcia na malaking bahagi ng natapyas na pondo ay nakalaan sana sa para sa paghahanda sa 2025 National and Local Elections.

“Medyo masyadong malaki po ang nawala sa amin and in fact we are asking to restore at least 5.7 billion so that the preparation for the NLE will not be sacrificed… lahat po ‘yun ay nawala sa budget namin,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Matapos ang pagdinig sa budget ng COMELEC para sa taong 2024, sinabi ni Sen. Imee Marcos na mananatiling as-is ang kanilang budget sa ngayon.

“Talagang nabawasan. Maraming nabawasan tulad ng software development… medyo nagtitipid,” ayon kay Sen. Imee Marcos, Chair, Electoral Reforms Committee.

Pero nilinaw ni Sen. Imee, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, na mayroon pa itong pag-asa na mabago hangga’t hindi pa ito natatapos sa bicam committee.

“Tignan natin. Alam naman natin na hanggang… may pag-asa pa,”  ani Sen. Imee.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble