BUKOD-tangi ang Dagupan City sa Region 1 ang hindi pa aprubado ang annual budget.
Muli na namang naantala ang pag-apruba sa annual budget ng Dagupan City matapos mag-walk out ang 7 miyembro ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod o tinaguriang Magic 7 sa budget hearing sa isinagawang regular session ng mga ito kamakailan.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, tanging ang Dagupan City na lamang sa Region 1 ang hindi pa naaprubahan ang annual budget para sa taong 2023.
Ipinaliwanag naman ng mayora kung bakit naaantala ang pag-apruba ng Sangguniang Panglungsod.
Positibo naman si Mayor Fernandez at hindi ito nawalan ng pag-asa kaugnay sa pag-apruba sa annual budget ng lungsod dahil aniya ay may pangako rin ang majority sa taong bayan.
Dagdag ng mayora, kung sakaling hindi aprubahan ang budget ng Magic 7, ay gagawin nito ang anumang paraan para matugunan ang kinakailangang pondo para sa mga programa ng lungsod.
“Positive thinker ako. Dahil sino ba ang mga nangangailangan ng pondo? Hindi naman ako eh, kundi ang buong Dagupan City…hindi man nila aprubahan ang budget, I will still try my best for the sake of the people of Dagupan dahil ‘yun ang ipinangako ko,” ani Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.
Nananawagan naman si Fernandez sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod partikular na sa mayorya na magkaisa na at isipin ang kapakanan ng mahigit 200,000 Dagupeños.
“Let’s be united because this is not for me. Ito ay para sa mahigit dalawang daang libong Dagupeño na kailangan ng ating tulong,” ayon pa sa alkalde.
Kamakailan lamang ay nagpahayag si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. kaugnay sa nasabing isyu na kung hindi maaayos ang problema ng lungsod ay siya na mismo ang tutungo para resolbahin ito.
Payo pa ni Abalos sa mga nakaupo sa pamahalaan, kailangan ng pagkakaisa pagdating sa serbisyo para sa mamamayan dahil karapatan ito ng mga taong nagluklok sa kanila.
Kamakailan ay personal ding humarap si DILG Provincial Director Virgilio Sison sa Sanggunian upang paalalahanan ang mga konsehales na ‘bukod-tangi’ na lamang ang Dagupan City sa buong Region 1 ang hindi pa aprubado ang annual budget.