NASA 300,000 Pilipino ang itinuturing ang bansang Japan bilang kanilang pangalawang tahanan kaya marami sa kanila ang sabik na marinig ang mga plano ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa Pilipinas.
Maraming naging tagasuporta si Pangulong Marcos sa Japan, noong panahon ng kampanya kaya naman hindi nila pinalagpas ang pagkakataon na makita ito nang personal.
Ang bansang Japan ay tahanan ng nasa 300,000 Pilipino ayon sa taya ng Department of Foreign Affairs.
Ang 50,000 dito ay mga overseas Filipino worker na karaniwang nagtatrabaho bilang construction workers, care givers, engineers, English teachers at agricultural workers.
Noong panahon ng kasagsagan ng kampanya ay maraming supporter si Pangulong Marcos sa Japan kaya naman hindi nakapagtataka na naging landslide ang panalo nila ng kaniyang ka-tandem na si Vice President Inday Sara Duterte.
Pero ano nga ba ang nais marinig ng mga kababayan nating Pilipino sa Japan mula kay Pangulong Marcos.
“Sana po mabigyan ng boses ang mga overseas Filipino workers, trainees at mga estudyante,” mula as OFW ng Osaka, Japan.
“Sana magkaroon ng maraming trabaho sa ating bansa para hindi na kailangan lumayo sa ating bansa, hindi natin kailangan lumayo sa ating mahal sa buhay,” ayon kay Riza Jane Nagumo, Pinay na naninirahan sa Japan.
“Ang pinakaunang-una kong hope and wish, ipinagdadasal na sana ay ipagpatuloy ni BBM ang yung paghiwalay o pagtapos ng terorista..CPP-NPA-NDF,” ayon naman kay Bearwin Dee, Pinoy na naninirahan sa Japan.
“Ang gusto ko lang ay mapasaya niya ang mamamayang Pilipino lalong lalo na ang mga OFW,” Donna Beltran, Pinay na naninirahan sa Japan.
“Inaasahan ko rin na marinig kung papaano mae-encourage ni BBM ang mga Japanese investors at iba pang investors sa ibang bansa na mag invest sa Pilipinas,” wika naman ni Marianne Garcia Sano, Pinay mula Yokohama.
PBBM, kinilala ang pagpapaganda ng OFWs sa reputasyon ng Pilipinas sa buong mundo
Kaya naman hindi pinalagpas ni Pangulong Marcos ang pagkakataon na kilalanin ang kontribusyon ng mga OFW sa Japan.
Ayon kay Pangulong Marcos malaki ang pakinabang ng mga overseas Filipino workers na pagandahin ang imahe at reputasyon ng Pilipinas saan man panig sila ng mundo.
“Napakalaking bahagi sa aming mga inaasahan na sektor na malaking tulong ay ang ating mga OFW. Kaya’t muli ay nagpapasalamat kami sa inyo at alam naming kayo’y maaasahan namin bilang hindi lamang magagaling na mga nagtatrabaho kung hindi magagaling na ambassador para sa Pilipinas dahil pinapaganda ninyo ang aming – ang ating reputasyon sa buong mundo. At ipagpatuloy po ninyo at kami naman po sa pamahalaan ay nandito upang magsuporta, upang tumulong,” saad ni Pangulong Marcos.
Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Marcos sa mga Pilipino sa bansang Japan na sa ilalim ng kaniyang administrasyon, mararamdaman nilang may pamahalaan na handang tulungan sila sa oras ng pangangailangan.
