PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang distribusyon ng agri at financial assistance sa Negros Occidental.
Sa dinaluhang event nitong weekend, nangako si Pangulong Marcos na tutulong ang pamahalaan sa mamamayan hangga’t may pangangailangan ang mga ito.
Sa isang programa nitong araw ng Linggo, itinurnover ng Department of Agriculture (DA), ahensyang pinamumunuan ni PBBM, ang tseke na nagkakahalaga ng P88-M sa 9 na farmer organizations o katumbas ng 1,835 benepisyaryo mula sa iba’t ibang munisipalidad at syudad sa Negros Occidental.
Ito ay sa ilalim ng Philippine Rural Development Project.
Namahagi rin ang DA ng palay seeds sa 100 mga magsasaka sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund.
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay namigay naman ng P5,000 financial assistance sa bawat isa sa 100 mga residente sa Bacolod City sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng ahensiya.
Samantala, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang sapat at matatag na suplay ng pagkain.
Ginawa rin ni PBBM ang naturang pahayag nang pinangunahan nito ang distribusyon ng agri at financial assistance sa Negros Occidental sa mga apektado ng economic crisis.
Saad pa ng Pangulo, gumagalaw na ngayon ang kanyang administrasyon upang masiguro na maihatid ang sapat na suplay ng pagkain sa taong-bayan.
Lalo na aniya ngayong tumataas ang presyo ng ilang mga bilihin.
Binigyang-diin pa ni PBBM na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng langis ay suliranin din ng ibang bansa kaya kailangan ng Pilipinas na gumawa ng kapamaraanan.
Sa kabilang banda, nito ring weekend, dinaluhan ni Pangulong Marcos ang culminating activities para sa Masskara Festival 2023 sa Bacolod City.
Ang pagdalo ng Pangulo sa kilalang pagdiriwang sa buong mundo ay isang patunay ng kanyang pangako sa pagtataguyod ng lokal na turismo.
Ito ay sa hangaring buhayin ang tourism industry ng bansa sa gitna ng mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.
“This is exactly what we have been trying to promote that to bring us out already of the pandemic. This kind of event is so so important dahil nakita naman natin ang reaksyon ng tao dahil nabigyan sila ng pagkakataon na lumabas na, makapag-celebrate lalung-lalo na palapit na tayo sa Pasko. It is a good thing to remind people that the pandemic may have been difficult; the pandemic really put us through the wringer. But we are back. The pandemic is fading away. We are learning to manage it,” pahayag ng Pangulo.
Kasama ni PBBM sa naturang okasyon sina Senador Francis Tolentino, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Special Assistant to the President Anton Lagdameo at local officials ng Bacolod.
Una nang nanawagan si Pangulong Marcos sa mga Pilipino na lumahok sa taunang selebrasyon kasabay ng pagtuklas sa Bacolod, na kilala bilang “City of Smiles.”
