DPWH, paboritong kuhaan ng porsiyento ng mga kurakot—Mayor Magalong

DPWH, paboritong kuhaan ng porsiyento ng mga kurakot—Mayor Magalong

NAGIGING “happy days” para sa mga nangkakamkam ng porsiyento mula sa mga proyekto ang mga budget at committee hearing ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News North Central Luzon (NCL) kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sinabi nito na magiging usapan lang ang mangyayari sa Kongreso kung sakaling imbitahan ito para pasalitain patungkol sa kurapsiyon na nagaganap dahil wala itong matibay na ebidensiya.

Nalulungkot aniya ito dahil gusto man niyang magsalita ay ayaw naman lumabas ng mga testigo na personal na nagsasabi sa kaniya patungkol sa kurapsiyon na nagaganap partikular na sa mga proyekto ng mga imprastruktura.

Mismong mga contractor at supplier ang nagsasabi sa kaniya patungkol sa nangyayaring kuhaan ng porsiyento mula sa badyet ng mga ito.

 ‘Yun nga nabanggit ko nga Bobby, tungkol nga dito sa problema sa pork barrel especially ‘yung dinadala nila sa, pinapark nila, parking, pinapark nila sa DPWH at iba-ibang mga ahensiya pero ‘yung pinaka paborito nila is DPWH kasi diyan nga sila nakakakuha ng porsiyento. Unang una, may porsiyento na nga sila, nagiging kontraktor pa sila, o kaya may porsiyento na sila, sila pa ‘yung supplier. Nakakalungkot niyan, hindi pa sila nagsawa, talagang gustong-gusto nila, kunin na lahat,” pahayag ni Mayor Benjamin Magalong, Baguio City.

 Kaya naglakas na ito ng loob na magsalita patungkol dito dahil hindi lamang ito basta usapin sa politika o political agenda dahil karapatan itong malaman ng ating bansa.

It’s about time we have to demand our political leaders good governance, to be very transparent, especially the aspect of transparency in financial transactions,” ayon pa kay Magalong.

Dagdag pa ni Magalong, nakalulungkot aniya na nagiging ‘happy days’ ang budget hearing sa mga kurakot dahil makakuha na naman ang mga ito ng porsiyento lalo na sa paborito nitong ahensiya, ang DPWH.

“You go to attend all this committee hearings, regarding budget, malulungkot ka nalang ang maririnig mo mga parochial concerns, nandiyan na yung horse trading, kawawa din yung ating mga department heads na kailangan nilang magpakumbaba then at the same time makipag-negotiate sa mga mambabatas natin para makuha lang nila ang kanilang budget at the same time, di na lang ako magsalita,” dagdag ni Magalong.

Kaya panawagan nito sa mga nasa namumuno sa Mababang Kapulungan;

“It’s about time the leaders of Low Congress should really address this head on, alam naman nila kung ano ang nangyayari dahil hindi naman pwedeng magbulag-bulagan tayo, it’s about time na gisingin na natin ang tao,” aniya.

Bukod pa rito, pinapaimbestigahan na rin nito ang mga proyektong hindi sila nakonsulta gaya na lamang ng ginagawang parking area sa Kennon Road kung saan binigyan umano ng DPWH ang mga kontraktor na gawin ang nasabing proyekto.

“Who gave the DPWH simply the authority to build and collaborate with the contractor na basta-basta na lang magtayo na lang sa isang lugar. Ganun ba ‘yun, bakit sila lang ba may karapatan hindi naman yung road right of way ‘yun, pinapaimbestiga ko na rin ‘yun,” aniya pa.

Sa huli ay nagpasalamat ito sa mga dati nitong kasamahan na mga uniformed personnel na tumutulong pa rin sa ating bansa dahil naroon pa rin ang kanilang pag-ibig na tulungang umunlad ang Pilipinas.

May panawagan din ito sa mga mambabatas.

 “Alam niyo, hindi pa huli ang lahat. It’s about time na kailangan nating pagtulungan, hindi rin naman po namin kaya as local government officials, hindi rin namin kaya sa uniformed service. Kailangan talaga lahat tayo magtulungan para talagang maayos natin itong napakalaki nating problema, otherwise it will no longer be sustainable for the country, babagsak lahat. Babagsak ang ating ekonomiya,” pagtatapos ni Magalong.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter