PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang inagurasyon ng unang seksiyon ng North Luzon Expressway (NLEX) Connector, ngayong araw ng Lunes.
Isa itong limang kilometrong elevated expressway na inaasahang magpapagaan sa daloy ng trapiko sa Metro Manila at inaasahang magpapasigla sa mga oportunidad sa pag-unlad ng ekonomiya sa hilaga at katimugang Luzon.
Sa inagurasyon ay kasama ng Pangulo sina Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan at Transportation Secretary Jaime Bautista.
Naroon din sina Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) at Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) Chairman Manuel Pangilinan, MPTC President Rodrigo Franco, at NLEX Corporation President J. Luigi Bautista at iba pang opisyal mula sa national at lokal na pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Marcos, isang “dream come true” ang nasabing proyekto na binanggit ang limang minutong oras ng paglalakbay mula Maynila hanggang Caloocan.
“Sa buong buhay natin hindi pa natin nakikita na yung Manila hanggang Caloocan ay 5 minutes. Baka yung ating pangarap ay matupad na!” saad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa pamamagitan ng mga rampa sa papasok at palabas sa C3 Road at España, babawasan ng bagong elevated expressway ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Caloocan at Maynila at ang pabalik sa limang minuto lamang.
Sinisiguro nito na mapalakas ang produktibidad at tinitiyak ang napapanahong paghahatid ng mga produkto at serbisyo.
Inaasahan na marami ang makakabenipisyo sa NLEX connector dahil sa inaashang pagluwag ng trapiko ay magiging mas mabilis na ang biyahe ng mga commuters papunta at palabas ng Metro Manila mula sa mga kalapit na probinsiya.
Magiging madali rin para sa mga mangangalakal mula sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Nueva Viscaya at Isabela na pabilisin ang transportasyon ng kanilang mga produkto sa Metro Manila
“This is indeed another achievement and undoubtedly will significantly improve the mobility of people, of goods, of services, not only within Metro Manila but also within its environs,” dagdag ni Pangulong Marcos.
“We will not stop here. We will continue to develop a highly interconnected road network that will facilitate our country’s rapid, inclusive, and sustained economic growth,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
Nagkakahalaga ng 23-bilyong piso, ang NLEX connector ay umaabot ng 8 kilometro mula Caloocan hanggang sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila.
Ang pagtatayo ng ikalawang seksiyon mula España hanggang Sta. Mesa ay nagpapatuloy at nasa 42 porsiyento na.
Ito ay may layunin na makapaghatid ng humigit-kumulang 35 libo na mga sasakyan araw-araw, na nagbibigay ng mas mahusay na access sa Manila Ports at mga paliparan tulad ng Ninoy Aquino at Clark International Airport.
