TUTOL ang bagong talagang kalihim ng National Defense na si Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na magkaroon ng peace talks ang pamahalaan sa pagitan ng mga teroristang grupong CPP-NPA-NDF.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Sec. Gibo sa programang Nightline News, ipinaliwanag nito ang kaniyang rason kung bakit ayaw niyang magkaroon ng peace talk sa mga terorista.
Punto ng kalihim na mayroong mga magandang programa ang pamahalaan na ipinapatupad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at isa na rito ang barangay development program.
Na kung saan sa pamamagitan nito ay nakita ng publiko ang senseridad ng pamahalaang tumulong at mapabuti ang pamumuhay ng mga nasa komunidad at dahil dito libu-libong rebelde na ang nagbalik-loob sa pamahalaan at namulat ang kamalayan sa maling idelohiya ng komunistang teroristang grupo.
Ang nasabing pahayag ng kalihim ay kaniyang muling binigyang-diin sa kaniyang unang pagharap sa Malacañang Press Corps Huwebes ng umaga Hunyo 8, 2023.
Kaugnay nito sinabi pa ni Sec. Gibo na kung meron man siyang bagay na susuportahan, ito ay ang mapayapang pagbabalik-loob ng mga naligaw ng landas at nilinaw na tutulungan ang mga ito na makapagsimulang muli.
Sa huli sinabi ng bagong kalihim na bagamat kakaunti na lang ang bilang ng CPP-NPA-NDF ay dapat pa rin itong bantayan at patatagin ang mga nakamit ng nagdaang administrasyon upang hindi ito masayang at para makamit ng ating bansa ang progreso at katahimikan.
Matatandaan na nauna nang inihayag ng Armed Forces of the Philippines na mula sa 89 na guirilla fronts ay 2 na lang ang aktibong gumagalaw na nasa Northern Samar at inaasahan ng pamahalaan na ngayong taon ay matatapos na ang problema laban sa armadong pakikibaka ng mga terorista.
At ito ay sa pamamagitan ng pagpatutupad ng mga programa ng pamahalaan sa mga liblib na lugar upang hindi na mabalikan pa ng mga teroristang grupong CPP-NPA-NDF.
Matatandaan na marami na ang mga rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan dahil sa whole of the nation approach ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya namang ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.