Distribution charge ng CENPELCO at DECORP sa Pangasinan, ‘di nagbago ang rate

Distribution charge ng CENPELCO at DECORP sa Pangasinan, ‘di nagbago ang rate

jay mendoza – pina-add pa

 

INANUNSIYO ng 2 electric company sa Pangasinan sa kanilang consumers na hindi nagbabago ang rate ng distribution charge sa loob ng halos 10 taon.

Magkapareho ang pahayag ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) at Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) kaugnay sa rate ng kanilang distribution charge.

Sa isinagawang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) forum sa DZRD News Dagupan City, ibinahagi ng 2 electric company na hindi sila nagtaas ng kanilang distribution charge sa nakalipas na maraming taon.

Kaya nilinaw ng dalawang kompanya, kung halimbawa tataas ang bayarin ng kuryente sa buwan ng Mayo sa kabila na parehong energy consumption ang ginamit noong nakaraang buwan ay nasa bahagi ng generation companies ang pagtaas ng rate ng kuryente.

 “Yung generation rate kasi buwan-buwan ‘yan eh nagbabago pero ‘yung transmission distribution sa case namin, meron kaming tinatawag na performance based regulations. Hindi ‘yan gumagalaw. Actually, ‘yung distribution charge namin ngayon ‘yun pa ‘yung ginamit namin 2015. So, hindi pa kami nag-i-increase ng aming distribution charge mula 2015 up to the present,” ayon kay Atty. Randy Castellan, DECORP Legal Officer and HR.

Ayon din kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, kung anuman yung napupunta sa kooperatiba nila para sa daily operation ay pareho lamang mula noong 2012 hanggang ngayon.

Kung meron man aniyang gagawing adjustment sa distribution charge rate ay dadaan pa ito sa tamang proseso.

“Pati ‘yung nagkaroon ng adjustment dahil mag-aapply pa rin tayo sa Energy Regulatory Commission, magka-conduct ng public hearing, consultation bago makonsider kung anuman ‘yung adjustment na i-apply. So, from 2012 hanggang ngayon, the same pa rin ‘yung distibution rate na napupunta sa kooperatiba natin,” ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, CENPELCO General Manager.

Pero ayon kay Castillan, upang mapanatili ang pagbaba ng kanilang distribution charge ay nakipagkontrata ang kanilang kompanya sa mga generation company na may mas murang halaga.

“Pero makontrol mo ang supply price kagaya po sa amin sa DECORP, eh nakikontrata kami sa mga generation companies na mababa ‘yung presyo. So kagaya nito pumasok na sa amin ang bagong kontrata namin ‘yung Energy Development Corporation. Ito po ay renewable, geothermal po ito, located sa Leyte,” dagdag ni Castellan.

Aniya, nakakuha sila ng presyo ng P4.28 centavos para sa susunod na 10 taon kaya kahit may dagdag-presyo ang ilang electric utilities, sila naman ay magbabawas ng presyo sa darating na buwan.

Magandang balita ang hatid ni Engr. Corpuz, ng CENPELCO dahil magbabawas din sila ng mahigit-kumulang P1 per kWh ngayong Mayo dahil sa pagnormalize ng fuel cost ng mga power plants.

 “Nitong May ay bababa kami ng mga more or less nasa P1 per kilowatt hour.”

“’Yun po yung effect ng pagno-normalize nung fuel cost ng ating mga planta. Continuously, bumababa ‘yung importation cost kaya’t bumababa ‘yung charge natin at the same time pina-pass on din natin sa ating mga consumers,” ani Corpuz.

Dagdag pa ni Corpuz, kahit mataas ang demand ng kuryente dahil sa summer season ay nanatiling mababa ang kanilang distribution charge.

Inaasahan naman ngayong Mayo at sa susunod pang buwan ang posibleng pagdeklara ng yellow o red alert sa Luzon grid, kaya payo ng electric companies sa mga consumers na magtipid sa kuryente na makatutulong para maiwasan itong mangyari.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter