DUMULOG si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian kay dating DSWD chief Esperanza Cabral kaugnay sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Gatchalian, sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan si Cabral ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary unang nabuo ang 4Ps.
Aniya, mabunga ang konsultasyon nito sa dating kalihim at binigyan siya ng inputs sa kung ano pang aspeto ng 4Ps ang dapat baguhin.
At kung ano pa ang mga dapat tignan para lalong mapaganda ang dole out program ng pamahalaan.
Nilinaw naman ni Gatchalian na wala itong babaguhin sa 4Ps dahil ito’y matagumpay na programa bagkus kaniya itong pagagandahin at aayusin.
“Ako, hindi ako pumunta dito para baguhin ang mga matagumpay na na programa, kundi aayusin lang natin yung mga maaari pang ayusin,” saad ng kalihim.
Partikular naman sa tututukan ng bagong DSWD chief ang database management para malaman kung sino pa ang mga dapat masakop ng 4Ps.