Livelihood assistance para sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao, ipagkakaloob ng DSWD

Livelihood assistance para sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao, ipagkakaloob ng DSWD

INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tuluy-tuloy ang kanilang paghahatid-serbisyo para sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng sakuna.

Patunay rito ang pagkakaloob ng ahensya ng mga livelihood assistance at hanapbuhay sa mga residenteng naapektuhan ng nagdaang lindol sa Davao de Oro.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nagpadala na siya ng mga tauhan sa naturang lugar upang magsagawa ng assessment sa mga biktima ng lindol.

Ibabase aniya sa resulta ng assessment ang gagawing pagtulong ng DSWD sa nabiktima ng naturang kalamidad.

Batay sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal sa Davao de Oro, hindi pagkain, hindi kagamitan kundi livelihood programs ang kailangan ng mga taong sinalanta ng lindol sa lugar.

Sinabi pa ng kalihim, patuloy na inaalam ng DSWD kung anong uri ng livelihood programs ang ipagkakaloob sa mga sinalanta ng lindol sa Davao de Oro.

Base sa datos ng ahensya, higit ₱21 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian at pasilidad sa Davao de Oro dahil sa naturang lindol.

 

Follow SMNI News on Twitter