AALISIN na ang unified curfew hours sa Metro Manila simula bukas Nobyembre 4 bilang paghahanda sa bagong operating hours ng mga mall para sa holiday season.
Inaprubahan ng Metro Manila Council ang isang resolusyon na nag-aalis sa umiiral na standardized at unified curfew hours sa National Capital Region (NCR).
Paliwanag ni Chairman Benhur Abalos na ang pagtatanggal ng curfew hours mula 12:00 a.m. – 4:00 a.m. ay makatutulong sa pagsasaayos ng oras ng operasyon ng mall upang mabigyan ng sapat na oras ang mga mall goers at empleyado para makauwi.
Nagkasundo na aniya ang mga may-ari ng mall na ayusin ang kanilang operating hours sa pamamagitan ng pagbubukas hanggang 11:00 p.m. mula sa dating 10:00 p.m. upang makatulong na maibsan ang trapiko sa Metro Manila lalo na’t nalalapit na ang Pasko.
Pero paglilinaw ni Abalos ukol sa curfew hours sa mga bata, kung mayroon nang existing na curfew hours na ipinatutupad ang isang LGU sa NCR para sa mga menor de edad ay igagalang ito at maaring patuloy na maipatupad.
Sa Caloocan City, inanunsyo na ni Mayor Oscar Malapitan sa kanyang Facebook page na iiral pa rin ang ordinansang nagtatakda ng 10pm-4am curfew hours sa lungsod para sa mga menor de edad.
Pero para sa mga LGUs na walang existing ordinance para sa curfew hours sa mga bata tulad ng Pateros ay lilikha sila ng ordinansa ukol dito ayon kay Mayor Miguel Ponce.
Sa San Juan City naman wala nang curfew hours para sa mga bata pero paliwanag ni Mayor Francis Zamora na magdedepende pa rin ang aktibidad ng mga menor de edad sa guidelines ng alert level system sa NCR.
Babala naman ni Zamora na ang mga magulang o guardian ang pananagutin at mumultahin kung sakaling ang kanilang mga anak ay mahuli sa labas ng kanilang bahay na gumagawa ng mga bagay na labag sa alert level system guidelines.
Samantala, kung bubuksan na ba ang mga iba pang negosyo kasabay ng pag-lift ng curfew hours sa NCR tulad ng mga bars o gimikan ay ayon kay Chairman Abalos ay magdedepende iyan sa kung anong aktibidad ang pinapayagan sa ilalim ng alert level system sa NCR.