NANAWAGAN ng suporta ang gobyerno sa publiko sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa bansa.
Ito ay kasunod ng pulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para talakayin ang national action plan sa El Niño na pinangunahan ni Civil Defense Deputy Administrator for Operations, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Alejandro, patuloy nilang pinagtutuunan ng pansin ang mga usapin sa pagkain, tubig, kalusugan, enerhiya at pampublikong seguridad.
Mahalaga aniya ang edukasyon ng publiko sa epekto ng El Niño upang matiyak na sinusuportahan nito ang lahat ng pagsisikap tulad ng pagtitipid ng tubig at iba pang kaukulang hakbang ng gobyerno.
Iginiit pa ni Alejandro ang whole-of-nation approach upang matagumpay sa paghahanda sa El Niño.
